Tagalog News: Mga lugar na isasailalim sa granular lockdown,  ipinatutukoy na ni Pasig Mayor Vico Sotto

Mayor Vico Sotto (PIA NCR)

PASIG CITY, March 10 (PIA) -- Ipinatutukoy na ngayong araw ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa City Health Department (CHD) ang mga lugar sa lungsod na isasailalim sa granular lockdown dahil sa tumataas na bilang ng COVID-19 active cases sa Metro Manila.

“Pero binigyan ko po ang ating City Health Dept/CESU ng hanggang mamayang hapon para magrekomenda ng mga lugar para sa GRANULAR LOCKDOWN [per street],” ayon kay Mayor Vico matapos utusan ang CHD na tingnan ang mga lugar na "high-risk" sa coronavirus infection.

Gayunpaman, muling nanawagan si Sotto sa publiko na sumunod sa basic health protocols sa kabila ng m ga tumataas na kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.

Sa kaniyang Facebook page, nagbigay paalala muli si Mayor Vico patungkol sa istriktong pagsunod sa health protocols at pagpapanatili ng ibayong "guard" upang maaresto ang mga impeksyon.

“Nag-relax na tayong lahat. Caution fatigue is real. Let's bring our guard back up. Sumunod sa basic health protocols,” ani Sotto.

Idinagdag ng alkalde na mahirap na aniyang ilagay muli ang lungsod sa enhanced community quarantine (ECQ) dahil marami na ang naapektuhang kabuhayan.

“HINDI na natin kaya mag total ECQ. Too many people will go hungry. Because of its negative effects on our economy, thousands if not millions will be pushed deeper into poverty for years to come. ECQ was meant to flatten the curve WHILE we strengthen our COVID response,” ani Sotto.

Samantala, habang patuloy ang rollout ng bakuna sa iba’t ibang local government units ibinahagi rin ni Sotto na ang suplay ng bakuna ay limitado pa rin.

“Vaccine rollout is dependent on the global supply chain and national distribution. May natanggap na tayo mula sa DOH. Wala pa po yung order ng LGU mismo na Astrazeneca. Unang prioridad po ang healthcare frontliners. Our efforts continue,” dagdag pa niya.

Batay sa COVID-19 cases monitoring report ng lungsod nitong Marso 8, umabot na sa 11,680 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod kung saan 10,927 ang recovered cases, 446 na ang nasawi, at 307 dito ay nabibilang sa active cases. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments