Tagalog News: Mas pinaigting na curfew ipatutupad sa ECQ areas simula Lunes

PASIG CITY, Marso 28 (PIA) -- Simula Lunes, Marso 29, ipatutupad ang mas pinaigting na curfew hours sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.

Sa ginanap na briefing nitong Sabado ng gabi, sinabi ni Presidential Spokesperon Harry Roque ang pagpapatupad ng mas pinaigting na curfew sa mga nabanggit na lugar na isasailalim muli sa enhanced community quarantine (ECQ) simula Marso 29 hanggang sa Abril 4, 2021, mula 6 p.m. hanggang 5 a.m., alinsunod sa IATF Resolution No. 106-A. 

Hindi naman apektado ng naturang ipatutupad na bagong curfew hours ang mga Authorized Persons Outside Residence (APOR), cargo vehicles, at mga pampublikong transportasyon.

Paalala ni Secretary Roque na ang mga may edad below 18 years old, mahigit 65 years old, may immunodeficiency, comorbidity, iba pang health risks, at mga buntis ay kinakailangang manatili sa kanilang mga tahanan, maliban na lamang kung kinakailingan para sa essential goods at services o nagtatrabaho sa mga industriya o opisina.

Samantala, pinapayagan naman ang paglabas sa mga tahanan para sa limitadong pag-access ng essential goods o services, pagtrabaho sa mga pinapayagang tanggapan o establisimyento, at ang mga APOR.

Noong Marso 15 ay ipinatupad sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal ang unified curfew hours (10 p.m. – 5 a.m. upang mapigilan ang patuloy na pagkalat na sakit na COVID-19.

Nitong Sabado, naitala ang lagpas 9,000 na mga bagong kaso ng COVID-19 matapos naitala ang pinakamataas na bilang noong Biyernes kung saan sumipa sa 9,800 ang daily infection sa bansa. (PIA-NCR)

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments