Tagalog News: Mahigit 7,000 bagong kaso ng COVID-19 pinakamataas na bilang na naitala sa bansa -DOH

Tanggapan ng Department of Health sa Tayuman, Maynila

LUNGSOD CALOOCAN, Marso 20 (PIA) -- Kahapon naitala ng Department of Health ang mahigit sa 7,000 na mga bagong kaso ng COVID-19, ang pinakamataas na bilang ng coronavirus infection na naitala sa Pilipinas simula nang magkaroon ng pandemya bansa. 

Ayon sa DOH, ang 7,103 na mga bagong kaso ng COVID-19 ang nagpaakyat sa kabuuang bilang ng nahawa sa 648,066, simula nang makapasok ang nakamamatay na sakit sa bansa.

Umabot sa 6,958 ang pinakamataas na datos na naitala ng ahensya noong kasagsagan ng pandemya noong Agosto 10, 2020.

Para kay National Task Force Against COVID-19 Chairperson at Defense Secretary Delfin Lorenzana, ang unti-unting pagluwag ng health protocols ng ilang local government units ang isa sa mga nakikita nilang dahilan ng muling pagdami ng kaso ng coronavirus disease sa bansa.

"Napapansin namin na medyo nag-relax din sila [LGUs] sa pagpa-follow up ng mga enforcement ng health protocols, so were throwing it back to them kasi we told them that kung hindi ninyo gagawin 'yan ay magla-lockdown tayo. Mahihirapan din kayo. Mahihirapan ang lahat," ani Lorenzana.

Para naman sa World Health Organization (WHO), tila naging kampante naman ang publiko kasabay ng pagdating nga mga bakuna kontra COVID-19 sa bansa.

"One factor, what I would like to call, is vaccine optimism. It's the fact that the arrival of the vaccines, and the optimism that the vaccines brought have resulted in a decreased compliance with the public health measures," sabi ni WHO Country Representative Dr. Rabindra Abeyasinghe.

"It's not a noticeable decrease, small changes at individual level, but at the community level it has meant that it has opened a room for the virus transmission to increase," ani Abeyasinghe. 

Ayon pa rin kay Lorenzana, nakababahala ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.

"If this continues, our hospitals will be overwhelmed. So ngayon, umiiyak na ang mga hospitals natin dahil puno na 'yung kanilang COVID wards."

Batay sa ulat ng DOH nitong Biyernes, 50 percent occupied na ang mga ICU beds sa bansa, 60 percent naman occupied ang isolation beds. Habang 65 percent naman ang ward beds na okupado. Umabot na rin sa 69 percent ng kabuuang ventilators sa bansa ang ginagamit na.  

Patuloy na paaalala ng DOH at WHO sa publiko, kahit dumating na ang mga bakuna ay hindi pa rin dapat maging kampante ang publiko upang hindi mahawa sa COVID-19. Dapat laging sundin ang minimum health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield, palagiang paghuhugas ng kamay, at pagpapanatili sa physical distancing standard ng dalawang metro. (PIA NCR) 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments