Tagalog News: Kumpiyansa ng publiko sa bakuna, inaasahang tataas pa

Nagsimula na rin ang malawakang pagbabakuna kontra COVID-19 sa 114 healthcare workers ng Southern Tagalog Regional Hospital sa lungsod ng Bacoor, Cavite nitong Miyerkules, Marso 10. (PIA4A)

LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna, Marso 11 (PIA)--Inaasahan ng Department of Health (DOH) na mas tataas pa ang kumpiyansa ng publiko sa bakuna matapos ang naging matagumpay na vaccination rollout sa iba’t-ibang lungsod sa rehiyon ng Calabarzon, kabilang na ang Lungsod ng Bacoor nitong Miyerkules, ika-10 ng Marso.

Ayon kay DOH Calabarzon Regional Director Eduardo C. Janairo, unti-unti nang nadadagdagan ang bilang ng mga healthcare worker na nais magpabakuna bilang proteksiyon sa COVID-19.

“Considering Laguna, Antipolo, Batangas Medical Center pati na rin ang Batangas City mismo ay tumawag sa amin na gusto na nilang magstart na magbakuna, nakikita ninyo yung taas bigla, nung una walang kumikibo pero ngayon gusto na nilang mauna specially sa Antipolo,” pahayag ni Janairo.

Batay sa datos ng DOH, tinatayang 1.5 million na healthcare worker sa rehiyon ang target mabakunahan ng pamahalaang nasyunal. Sa kasalukuyan ay nasa 1,700 pa lamang ang nababakunahan simula noong nakalipas na linggo.

Bunsod ito ng availability ng suplay ng mga bakuna at pagbibigay prayoridad sa mga COVID-19 Vaccination Facility na siyang kailangang unahin dahil sa exposure sa nakahahawang sakit.

Paglilinaw ni Janairo, naghihintay na lamang ng pagdating ng alokasyon ng bakuna ang ilang mga hospital upang masimulan na rin ang kanilang pagbibigay bakuna sa mga medical frontliners na kabilang sa master list.

Gayundin ay hinikayat niya ang mga frontliners na huwag matakot sa bakuna kahit ano pa ang dumating dahil pangunahing layunin ng bakuna na bigyan ng panlaban sa nakahahawang sakit ang katawan ng ng mga taong matuturukan nito.

“Mag-ingat po tayong lahat, wala pong pinakamabisang panlaban maliban sa bakuna kundi ang inyong mataas na panlaban sa sakit ang immune system ninyo at ang pagtupad ng health protocol,” mensahe ni Janairo. (CO/PIA4A)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments