Tagalog News: Ilang lalawigan sa CALABARZON, isinailaim sa GCQ

LOS BAÑOS, Laguna, Marso 22 (PIA) - Nitong Linggo, ika-21 ng Marso ay opisyal nang inanunsyo ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang Resolution No. 104 na layuning isailalim ang ilang mga lalawigan sa CALABARZON kabilang ang Bulacan at NCR sa General Community Quarantine (GCQ) upang mapigilan ang pagtaas ng aktibong kaso ng COVID-19.

Simula ngayong Lunes, ika-22 ng Marso ay magtatagal hanggang ika-4 ng Abril ang pagsailalim sa mga lalawigan tulad ng Cavite, Laguna at Rizal sa GCQ gayundin ang Bulacan at NCR na kabilang sa mga mabilis nakapagtala ng mga bagong kaso sa mga nakalipas na araw.

Kaugnay nito, tanging essential travels lamang ang papayagan na makalabas at makapasok sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ.

Mananatili naman na operational ang mga public transporation sa kasalukuyan nitong kapasidad at limitasyon na ipinatutupad ng Department of Transportation (DOTr).

Ang lahat ng uri ng pagtitipon katulad ng religious gatherings ay mahigpit na pinagbabawalan gayundin ang pagsasagawa ng mga kasalan, binyagan at libing ay nililimitahan rin sa sampung katao lamang upang mapanatili ang social distancing at maiwasan ang transmission.

Sa industriya naman na gaya ng restaurants at dining establishments ay nililimitahan muli ng IATF sa delivery at takeout lamang subalit kung ang isang establisyemento ay mayroong outdoor o Al Fresco dining area, maaari itong tumanggap ng dine-in customers sa limitadong seating capacity at dapat ay maipatupad ng mahigpit ang safety protocols.

Samantala, ang kasalukuyang operational capacity ng mga essential at non-essential na industriya at serbisyo ay mananatili ngunit kailangan siguraduhin na mas maigting na maipatupad ang minimum health standards.

Ang mga pribadong kumpanya ay hinihikayat na makiisa at magpatupad ng 30% to 50% na kapasidad lamang bilang bahagi alternative working arrangements upang maingatan ang mga emplyedo at malimitahan sa posibleng exposure.

Mayroon din na itinalagang curfew hours mula ika-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga, ang mga empleyado, cargo vehicles at public transportation ay hindi kasama sa naturang curfew.

Ang pagsusuot naman ng face masks sa loob ng bahay ay isa sa mabisang paraan na inirekomenda ng Department of Health (DOH) upang mailayo sa posibleng peligro na dulot ng COVID-19 ang mga kasama sa bahay lalo na ang mga matatanda at may sakit.

Hinihikayat pa rin na manatili sa loob ng bahay ang mga nasa edad 65 pataas, sinumang wala pa sa edad na 18 taong gulang at mga buntis, may immunodeficiency, comorbidity at iba pang may panganib sa kalusugan. (CO)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments