Tagalog News: Hiling sa mga LGUs, mahigpit na pagpapatupad ng health protocols

Kuha sa pamilihang bayan ng San Jose noong mga unang buwan ng pandemya noong nakaraang taon (2020), kung kailan mahigpit na pinaiiral ang mga health protocols. (VND/PIA Occ Min)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Mar. 23 (PIA) -- Nananawagan si Dr. Michael M. Enarbia, tagapamahala ng Provincial Department of Health Office (PDOHO), sa mga opisyal sa lalawigan na tiyaking tumatalima ang kani-kanilang mga nasasakupan sa minimum health protocols kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Sinabi ni Dr. Enarbia na kapansin-pansin ang mas maluwag na implementasyon ng health and safety protocols sa iba’t ibang barangay.  Marami na aniyang mga residente ang malayang lumalabas ng tahanan na walang suot na face mask at face shield.

“Madami na ring nagsasagawa ng mga pagtitipon,” puna ng mediko. Ang ganitong kaluwagan aniya ay pinaniniwalaang malaki ang kinalaman sa muling pagtaas ng kaso ng  COVID-19 sa probinsya. Binibigyang-diin sa tuwina ng DOH na ang pagsunod sa mga nasabing health protocols ang pinakamabisang depensa laban sa pinangangambahang virus, lalo ngayong nagsisimula pa lamang ang pamahalaan sa papababakuna.

Ayon pa sa opisyal ng PDOHO, “noong mga unang buwan ng pandemya kung ating matatandaan ay naghigpit ang mga pamahalaang lokal (LGU) sa pagpapasuot ng face mask at face shield sa sinumang lalabas ng kanilang tahanan.” Kasabay nito aniya ang madalas na pagpapaalala na panatilihin ang isang metrong distansiya sa bawat isa.  

Subalit habang tumatagal ay nababawasan ang pag-iingat, tila nakakalimutan ng marami na hindi pa tapos ang krisis, at narito pa ang banta ng Covid-19. “Ang hirap kasi, hindi natin nakikita ang virus, tapos may mga lugar tayo na nagkakaroon na ng selebrasyon,” pagpuna ni Enarbia. Ang ganito aniyang mga pagdiriwang ay pinupuntahan ng mga tao mula sa iba’t ibang lugar at isa mga maaaring pagsimulan muli ng outbreak ng COVID-19.

Kaugnay nito, sa mga nagdaang panayam kay Dr. Ma. Teresa Tan, opisyal ng Provincial Health Officer (PHO), ay binanggit nito ang kaparehong obserbasyon. Aniya sa mga kasalan, binyagan at iba pang mga pagtitipon ay hindi napipigilan ang umpukan ng mga bisita, inuman gamit ang iisang tagayan, at iba pang gawi na dapat ay nananatiling bawal dahil paglabag ito sa minimum health protocols, na isang pambansang polisiya.

Batay sa pinakahuling datos ng PHO, simula noong nakaraang linggo ay umabot na sa 57 ang active cases sa probinsya, kung saan 50 ang local cases at pito naman ang imported. Simula Marso noong 2020, ito ang ikatlong beses na naranasan ng lalawigan ang biglang pagtaas ng bilang ng active cases sa probinsya. 

Hinimok ni Dr. Enarbia ang lahat, opisyal man o mamamayan, na huwag maging kampante, at tandaan na hindi kakalat ang Covid-19 sa isang komunidad na mahigpit na sumusunod sa mga atas ng Department of Health, at ng pamahalaan sa kabuuan. (VND/PIA MIMAROPA)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments