Tagalog News: Frontline health workers sa Buenavista, nabakunahan na

Sa datos na ibinahagi ni Dr. Eleanor May Grate, municipal rural health unit officer, 11 ang manggagawa sa RHU habang 202 na barangay health emergency response team (BHERT) ang nakatanggap na ng bakuna sa bayan ng Buenavista mula Marso 18 hanggang Marso 23. (Larawang kuha ni Romeo A. Mataac, Jr/PIA-Marinduque)

BUENAVISTA, Marinduque, Mar. 24 (PIA) -- Umabot na sa 213 ang bilang ng mga frontline health workers na nabakunahan gamit ang Sinovac at AstraZeneca sa bayan ng Buenavista.

Sa datos na ibinahagi ni Dr. Eleanor May Grate, municipal rural health unit officer, 11 na manggagawa sa RHU habang 202 na barangay health emergency response team (BHERT) ang nakatanggap na ng bakuna mula Marso 18 hanggang kahapon, Marso 23.

"Mula po March 18 hanggang March 22 ay nakapagbakuna kami ng nasa 220 indibdwal at ngayong araw naman po (Marso 23), dahil ito po ang huling araw ng vaccine roll-out sa lahat ng interesadong miyembro ng BHERT. Record breaking po kami dahil sa arawa na ito lamang po, 82 kliyente ang aming naturukan ng bakuna kontra COVID-19", pahayag ni Dr. Grate.

Ang nasabing datos ay galing sa kabuuang bilang na 440 na mga healthcare personnel sa rural health unit at barangay health emergency response team mula sa 15 barangay ng Buenavista na binubuo ng mga kapitan, kagawad at tanod ng barangay, barangay health workers (BHW) at barangay nutrition scholars (BNS).

Nagpasalamat naman ang Buenavista municipal health unit officer sa lahat ng opisyal at kawani ng mga barangay sa 'buong tapang' na pagtanggap sa hamon para magsilbing patunay sa mga mamamayan na huwag mangamba o matakot na magpaturok ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019. (RAMJR/PIA-MIMAROPA)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments