Tagalog News: Face-to-face graduation, depende sa desisyon ng IATF

KORONADAL CITY, South Cotabato, Mar. 23 (PIA) -- Ang pagsasagawa ng face-to-face graduation ceremony ay nakasalalay sa patnubay ng Inter-Agency Task Force of Emerging Infectious Diseases (IATF), ayon sa isang opisyal ng Department of Education. 

Sa isinagawang  EduAKSYON: Aksyon at Solusyon para sa Edukasyon. Secretary Leonor Magtolis Briones' Virtual Regional Visit kamakailan, sinabi ni Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio na  bagama't pinag-uusapan ang posibilidad ng face-to-face graduation sa executive at management committees ng Kagawaran, susundin pa rin nila ang gabay rito ng IATF. 

"Kung papayagan ng guidelines ng IATF, hindi naman tayo mag-oobject. Pero siyempre hangga't mahigpit sila, sasabihin natin maghahanda para sa Plan B o mga contingency. Kung hindi pa talaga papayagan, ang mangyayari siguro ay katulad ng nangyari noong isang taon, mga virtual ceremony," sabi ni Usec. San Antonio. 

Gayunman, diin ng opisyal, sakaling may lugar na papayagang magsagawa ng face-to-face graduation ceremony, mas malamang na hindi pa rin papayagan na sabay-sabay ang maraming tao sa lugar na pagdadausan ng seremonyas. 

Sigurado naman si Usec. San Antonio sa pagiging malikhain ng mga tagapamahala ng mga paaralan na gawing pa ring di-makakalimutang karanasan ang pagtatapos kahit virtual graduation pa rin ito. 

"Kung hindi papayagan, may mga paraan para ma-celebrate natin ang ganitong major milestone sa mga kabataan," dagdag  ni Usec. San Antonio. (DED-PIA XII) 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments