Tagalog News: BARMM nakatakdang magsagawa ng taunang Ulama Conference

LUNGSOD NG COTABATO, Marso 25  (PIA) -- Nakatakdang magsagawa ng taunang pagtitipon ng mga Muslim scholar o ‘Ulama’ ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ito ay upang magkaroon ng consensus kaugnay sa ‘moon sighting’ at pagdedeklara ng pagsisimula ng pag-aayuno para sa Ramadan.

Ang planong taunang aktibidad ay nakapaloob sa Resolution No. 391 na aprubado ng Bangsamoro Transition Authority. Sa ilalim ng resolusyon, binibigyang-direktiba ang Bangsamoro Daru’l-Ifta na pangunahan ang taunang conference ng mga Ulama upang maiayos ang naturang usapin.

Ang resolusyon ay inakda ni Member of the Parliament (MP) Ustadz Abdulmuhmin Mujahid. Binigyang-diin ni Mujahid na mahalaga ang pagkakaroon ng ‘consensus meeting’ ng mga Ulama gayong bawat iskolar ay may pagkakaiba.

Ipinaliwanag din niya na hindi maaaring umasa ang rehiyon sa anunsyo mula sa Kingdom of Saudi Arabia hinggil sa pagsisimula ng Ramadan sa Abril 11 dahil isinasaalang-alang din aniya ang pagkakaiba ng oras sa pagitan ng Pilipinas at Saudi. (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BIO-BARMM).

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments