Tagalog News: Bahagi ng cruise port sa Puerto Princesa, pinasinayaan

Pinangunahan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar (pangatlo sa kanan) ang Ribbon Cutting Ceremony sa pagpapasinaya sa bahagi ng Cruise Port and Facility sa Puerto Princesa City. Dumalo rin sa programa sina Executive Secretary Salvador Medialdea (gitna) at Department of Transportation Secretary Arthur Tugade (pangalawa sa kanan). (LBD/PIA-Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Mar. 10 (PIA) -- Pinasinayaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang una hanggang ika-apat na bahagi ng Cruise Port na may kabuoang lawak na 500 linear meter sa lungsod ng Puerto Princesa noong Marso 6.

Noong Pebrero 25, umaabot sa 84.09 porsiyento na ang kabuoang natatapos sa proyekto, habang nagpapatuloy naman sa kasalukuyan ang paggawa ng 62.10 porsiyento na bahagi ng pantalan na binubuo ng phase 5, 6, at 7 nito.

Ang kabuoan ng proyekto ay tinatayang nagkakahalaga ng P3.5-bilyon, na kukunin sa General Appropriations Act (GAA), at sa ngayon ay halos kalahati na nito ang nagagastos para sa natapos nang bahagi ng proyekto.

Sinabi ni DPWH Secretary Mark Villar na siyang nanguna sa seremonya, na malawak at malalim ang cruise port sa lungsod at naka-disenyo sa pinakamalalaking cruise ship.

“It’s different because, it can accommodate the size of big cruise ships, as you can see ‘yong depth (Naiiba ito [sa ibang port] dahil kaya nitong i-accommodate ang malalaking cruise ship), mas malalim ang kailangan at mas malaki siyempre, design siya para sa international cruise ships,”ani Villar.

Aniya, naglaan ang gobyerno ng malaking pondo para sa proyekto upang mas mabigyang tuon ang Palawan na maging nangungunang dinarayo ng mga turista sa bansa.

“Marami tayong magagandang attractions dito sa Puerto Princesa at Palawan, ‘yong (Puerto Princesa) Underground River, kaya sa tingin namin malakas ang magiging demand para sa mga cruise ships na magpa-park dito para makita ang mga sites at bahagi po ito ng programa para maging top tourist destination ang Palawan,” dagdag pa ng kalihim.

Samantala, sa mahigit isang milyon turista na dumarating sa lungsod at lalawigan kada taon, noong hindi pa nararanasan ang pandemya, 60,000 sa mga ito ay dala ng mga cruise ship na dumadaong sa kasalukuyang maliit na piyer ng Puerto Princesa.

Upang matugunan ang mas maginhawang pagdaong ng mga cruise ship sakay ang libu-libong turista, sinikap ng pamahalaan na magkaroon ng maayos na cruise ship terminal complex na sa ngayon ay unti-unti nang naisasakatuparan. (LBD/PIAMIMAROPA)

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments