Tagalog News: ‘All systems go’ para sa plebisito sa Palawan, ayon sa Comelec

COMELEC Commissioner Kho
"All systems go na para sa plebisito sa Palawan sa Sabado, ito ang tiniyak ni Commission on Elections (COMELEC) Commissioner Antonio T. Kho, Jr. (kaliawa) sa press conference kahapon. Si Kho ang Commissioner In-Charge ng Palawan Plebiscite, na magaganap sa darating na Marso 13.  (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Mar. 11 (PIA) -- ‘It’s All systems go’ na para sa plebisito sa Palawan sa Sabado, ito ang tiniyak ni Commission on Elections (COMELEC) Commissioner Antonio T. Kho, Jr. sa press conference kahapon.

Ayon kay Commissioner Kho, handang-handa na sila at nai-deploy na ang kanilang mga tauhan para sa plebisito at tanging sa islang bayan ng Kalayaan na lamang hindi pa nakakarating ang mga gagamitin sa plebisito dahil sa sama ng panahon, ngunit inaasahan pa ring magkakaroon dito ng plebisito.

Ayon sa opisyal, ang lahat ng tauhan ng Comelec sa buong Palawan ay handa na sa pagdaraos ng plebisito. 

"Kailangang ng inyong suporta. Tulungan po natin ang ating mga Comelec officials, pati ang ating mga teachers, at mga health personnel at mag-cooperate po tayo para magkaroon po tayo ng magandang plebisito”, ang paki-usap ni Commissioner Kho.

Dagdag pa ni Commissioner Kho na sa kasaysayan ng Pilipinas, ito ang kauna-unahang electoral process sa panahon ng pandemya.  Si Commissioner ko ang Commissioner In-Charge ng Palawan Plebiscite.

Ayon naman kay Comelec-Deputy Executive Director for Operation Teopisto E. Elnas, Jr., lahat ng mga accountable forms, official ballots at mga suplay ay nakahanda na at nasa pangangalaga na ng mga Municipal Treasurer maliban ang sa Bayan ng Kalayaan.

Inaasahan na maihahatid na sa mga malalayong barangay sa Palawan ang mga pormas, mga suplay at iba pang kagamitan para sa plebisito.

Ayon pa sa opisyal ng Comelec, magsisimula ang pagboto ng ‘Yes at No’ sa ganap na 7:00a.m.-3:00 p.m. at bawat presinto ay mayroon lamang 200 mga botante.

Dahil sa manual voting ang gaganaping plebisito sa Palawan ay inaasahang sa Marso 16 pa malalaman ang kabuoang resulta nito.

Ang paghahati ng Palawan sa tatlong probinsiya bilang Palawan del Sur, Palawan Oriental at Palawan del Norte ay sa pamamagitan ng Republic Act 11259 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Abril 5, 2019 kung saan nakatakda sa nasabing batas na ang plebisito nito ay gaganapin sa Mayo 11, 2020 ngunit naipagpaliban ito dahil sa pandemya. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments