Street cleaning, flushing ops sa Maynila muling umarangkada

Kuha ng Manila PIO

LUNGSOD CALOOCAN, Marso 7 (PIA) -- Muling umarangkanda ang cleaning at flushing operation na isinagawa ng mga kawani ng lokal na pamahalaan at mga market association sa Lungsod Maynila kamakailan lang, sa ulat ng Manila Public Information Office (PIO).

Ayon sa PIO, ang pagsasagawa ng cleaning at flushing activities ay parte ng direktiba ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso sa mga market masters at kawani ng Market Administration Office upang mapanatiling malinis at maaliwalas ang mga pampublikong pamilihan ng lungsod.

Kabilang sa mga nilinis at "sinabonan" ng mga kawani ang mga lansangan at kalye sa paligid ng Central Market, Pritil Market, Dagonoy Market at San Andres Market bilang dagdag proteksyon na rin sa COVID-19.

Ikinatuwa naman ng lahat ng vendors at mamimili ang cleaning at flushing operation na isinagawa sa kani-kanilang mga palengke.

Muling paalala ng lokal na pamahalaan, dapat na lahat ng vendors at mamimili ay naka-mask at face shield at sumusunod sa physical distancing.

Hinikayat din nito na isumbong sa mga otoridad ang sinumang lumalabag sa mga patakaran na aniya ay para sa kaligtasan ng lahat. (PIA NCR)

 

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments