Roll-out ng bakuna sa Mandaluyong sinimulan na

Kabilang si Mandaluyong City Medical Center frontliner Reynerio Vencio ang tumanggap ng CoronaVac vaccine sa Mandaluyong City Hall nitong Sabado. ika-6 ng Marso. (Kuha ng Philippine News Agency)

LUNGSOD CALOOKAN, Marso 7 (PIA) -- Sinimulan na nitong Sabado, ika-6 ng Marso, ang pagbabakuna sa mga medical frontliners ng Mandaluyong City Medical Center (MCMC) ng Lungsod Mandaluyong. Target ng lungsod na mabakunahan ang may 150 healthcare worker ng CoronaVac vaccine galing China.

Unang ginanap ang ceremonial vaccination sa Legislative Building ng Pamahalaang Lungsod Mandaluyong at pagkatapos na mabakunahan ang 64 na healthcare workers ay itinuloy ang pagbakuna sa MCMC. Kabilang sa mga unang nabakunahan ay sina MCMC Administrative Officer Dr. Cesar Tutaan, MCMC Nurse Arnold Bondoc at Dr. Catherine Quiroz. Si  MCMC Director Dr. Zaldy Zarpeso naman ang nagbakuna sa tatlong opisyal ng nasabing ospital.

Nakiusap si Metro Manila Center for Health Development-National Capital Region (MMCHD-NCR) Assistant Regional Director Paz Corrales sa mga health care workers na huwag nang mag-atubiling magpabakuna at huwag nang maging brand conscious para hindi masayang ang mga bakunang donasyon ng China, at para magkaroon na sila ng proteksyon.                                                                                              

Si Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos ay nagpasalamat sa mga medical frontliners sa kanilang  malaking nagawa at patuloy na ginagawa para malabanan ang COVID-19. Aniya, sa pagdating ng bakuna ay mayroon na silang proteksyon pati na rin pamilya nila.

Si MMDA Chairman Benjur Abalos habang binabakunahan ng CoronaVac vaccine kamakailan lang. (PIA NCR file photo)

Pinatotohanan naman ni  Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos ang efficacy ng CoronaVac ng kumpanyang Sinovac.

Kuwento niya, siya ay nagbasa tungkol sa nasabing CoronaVac vaccine.

Nakita niyang maganda ito dahil, una, ito ay tradisyunal na bakuna at tinuturuan nito ang katawan na magproduce ng anti bodies para malabanan ang virus. At ikalawa, ang efficacy nito sa mga healthy individuals ay 90 porsyento.

Ang tanging isyu nito ay 50 porsyento lang umano ang efficacy nito para sa mga health workers.

Pero ani Abalos, ito lang ang bakuna na gumawa ng ganitong pag-aaral. Giit pa niya, sinabi rin sa pag-aaral na mataas ang efficcacy nito sa mga moderate at severe cases.

“Kailangan  din na kung anong bakuna ang mayroon, magpabakuna na dahil may global shortage at ang virus ay nandian lang nakaabang,” pagdidiin ni Chairman Abalos.

Kaniya ring ibinahagi na kahit hindi tumitigil si Mayor Menchie sa kaiikot para sa mga interbensyon sa virus at sa pagbabahagi ng kahalagahan ng bakuna, ito ay hindi tinatamaan kasi mahigpit niyang sinusunod ang minimum public health and safety protocol. 

“Pakiusap, nabakunahan man o hindi, parati pa rin nating sundin ang health and safety protocols para sa kaligtasan ng lahat, giit ni Chairman Abalos.

Ang pamahalaang Lungsod Mandaluyong ay nakatanggap ng inisyal na 300 doses ng CoronaVac.

Nagbigay pahayag si Si Secretary Carlito Galvez na dadagdagan pa ang bakunang ibinigay upang lahat ng health care workers ay magkaroon na ng panlaban sa kanilang araw araw na hinaharap na virus. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments