Pagtupad ng Indigenous Peoples sa EVOSS law kasado na -Gatchalian

Senator Win Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Marso 6 (PIA) -- Ikinalugod ni Senator Win Gatchalian ang pagtupad ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa mga probisyon ng Energy Virtual One-Stop Shop (EVOSS), dalawang taon matapos itong maging isang ganap na batas, at pasinayaan ang pagsusulong ng mga proyekto sa industriya ng enerhiya.

Sa isang Commission En Banc Resolution, inaprubahan na ng NCIP ang nakasaad na time frame sa paglalabas ng Certificate of Non-Overlap (CNO) at Certification Precondition (CP) alinsunod sa ilalim ng EVOSS, ang batas na nagpaikli sa pagpo-proseso ng mga permit ng mga nagtataguyod ng energy projects sa bansa.

Batay sa nakasaad sa batas, ang mga aplikasyon para makakuha ng CNO ay dapat aksyunan ng NCIP sa loob ng 10 araw at 105 araw naman para sa Free and Prior Informed Consent (FPIC) na syang magiging daan para makapagpalabas ng Certification Precondition. Ang CNO ay iginagawad kung ang lupang katitirikan ng proyekto ay hindi masasakop ang ancestral domain o pagmamay-ari ng mga katutubo habang ang CP naman ay ibinibigay kung pinahihintulutan ng mga Indigenous Cultural Communities (ICCs) ang pagsusulong ng mga proyekto sa ilalim ng kanilang ancestral domain.

Ang EVOSS law ay nagtatatag ng online platform para mapadali ang pagpoproseso ng mga dokumento at makakuha ng mga kaukulang permit ng mga nagsusulong ng proyektong may kinalaman sa power generation, transmission at distribution habang patuloy ang pagpapatupad ng quarantine sa bansa at maiwasan ang red tape o korapsyon.

“Kadalasang inaabot ng ilang taon ang proseso ng pag-aapruba ng mga energy projects sa mga lugar na nasasakupan ng mga IPs. Ngunit ngayon na sila’y tutupad sa abisong panahon na nakasaad sa EVOSS, makakaasa tayong maisasaayos ng pagpo-proseso ng mga aplikasyon ng mga namumuhunan sa power generation, transmission at distribution projects sa bansa ng hindi nakokompromiso ang mga karapatan at kasarinlan ng mga katutubo nating kababayan,” ani Gatchalian.

“Malaki ang maitutulong ng EVOSS Law upang tuloy-tuloy pa rin ang pagproseso ng mga energy-related permits dahil ang lahat ng ito ay pwede nang gawin sa online lalo na ngayong panahon ng pandemya,” dagdag pa ng senador.

Sa ilalim ng nasabing batas, lahat ng ahensya ng gobyerno, pati na ang mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) na may kinalaman sa pagpoproseso ng mga kinakailangang permit ay kailangang aksyunan ang mga aplikasyon batay sa nakasaad na time frame at ang hindi pagtugon dito ay nangangahulugan ng automatic approval at may kaakibat na posibleng parusang administratibo. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments