Mga gabay para maiwasan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 ipatutupad sa Quirino

CABARROGUIS, Quirino, March 22 (PIA)--Nagpalabas kamakailan ng isang Executive Order si Gov. Dax Cua na nag-uutos sa mga non-APOR  o Unauthorized Persons Outside Residence na  papasok sa lalawigan na kailangang magpakita ng mga travel requirement  bago makapasok sa lalawigan.

Sa programang Governor’s Hour, ipinaliwanag ni  Gov. Cua na ang isang non-APOR ay kinakailangang magpakita ng isa sa mga sumusunod:   Negative RT-PCR result na may 48  oras na validity bago ang pagbiyahe,  Negative antigen test result  na may 48 na oras validity o medical certificate mula sa isang lisensiyadong doctor.

“Mas  pinadali natin, hindi kailangan RHU ang mag issue ng  medical certificate ngunit  kailangan mag- mumula ito sa isang licensed na doctor at dapat  nakalagay doon ang license number  ng doctor para pwede po natin ma-verify at ma-validate na talagang lisensyado po yung doctor na nag-issue ng medical certificate,” ani Cua.

Ayon pa sa punong lalawigan, hindi  kailangang ipakita lahat ang  tatlong dokumento, isa lang doon ay sapat na para makapasok sa lalawigan.

“Maaari ring dito na magpa-Antigen test  sa  mga hospital, nagkakahalaga lamang ito ng P100 kada antigen test  dahil ito ay subsidized ng  provincial government,” dagdag ng gobernador.

“Again let me emphasize that is for non-APOR, so yan yung mga turista, yung mga bumibisita, yung mga walang official business dito sa lalawigang Quirino,” pahayag ng gobernador.

Ipinaliwanag ni Cua na  kailangang sumunod sa lahat ng panuntuan gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield, social distancing, cough etiquette,  paghugas ng kamay at iba pa.

Nagtalaga na rin ang mga punongbayan dito ng health and safety officer sa bawat pook pasyalan at mga pagtitipon  para masigurong masusunod ang mga panuntunan.

“Sa mga APOR naman,  susundin natin yung IATF guidelines, kailangan may travel itinerary, dapat may official travel order siya kung bakit siya pupunta rito. Considered naman na APOR yung ating mga kailyan nating nagtatrabaho sa labas ng lalawigan dahil  araw-araw yang lumalabas at yung mga tao namang taga ibang lugar  pero nagtatrabaho rito, araw-araw din silang  pumapasok , so  considered  silang APOR, so they have to have their IDs,” paliwanag ni Cua.

Ayon kay Cua, mahigpit ang mga  bagong border security and travel security kaysa  sa buong bansa dahil  nakiusap ang  provincial government sa DILG at sa IATF na bigyan ang lalawigang Quirino ng exemption dahil  sa patuloy na pagtaas ng mga  Covid-19 sa lalawigan.

“For the knowledge of everybody, nakalulungkot na as of today meron na tayong  deaths related to Covid-19, yan ang kinakatakutan natin,” ani Cua. (MDCT/TCB/PIA 2-Quirino)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments