COVID-19 sa Rehiyon Dos bumababa na ayon sa DOH

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, March 4 (PIA) -- Unti-unti nang bumababa ang mga kaso ng Coronavirus Disease-2019 (COVID-19) sa Rehiyon Dos ayon sa Department of Health (DOH) Region 2. 

Inihayag ni DOH-2 Reg'l Director Dr. Rio Magpantay na bumababa na ang mga kaso ng COVID-19 sa Rehiyon Dos. (by DOH) 

Inihayag ni Dr. Rio L. Magpantay, Regional Director, na base sa pinakahuling datos nila, nasa "moderate risk level" na ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa buong rehiyon. 

"Malapit na ito sa low risk. Pero hindi ibig sabihin na magpapakampante tayo. Kailangan pa rin nating ituloy ang pagsunod sa mga health protocols tulad ng pagsusuot ng facemask, face shields, social distancing at sanitations," pahayag ni Magpantay. 

Ayon sa pinakahuling datos nito lamang March 3, 2021, umabot na sa 8,805 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa buong rehiyon. Pero, 8,033 sa mga ito ay ang gumaling na. Sa kabilang dako, 173 naman ang mga nasawi pero ang lahat ng ito ay may mga co-morbidity, at 598 naman ang mga aktibong kaso. 

Ayon pa kay Dr. Magpantay, bagamat mataas pa rin ang bilang ng mga aktibong kaso, ay mas mababa na ito kumpara sa mga naitatala nitong mga nakalipas na buwan at malayong mas mababa pa kaysa sa mga datos ng ibang rehiyon. 

Sa ngayon, tanging ang mga lungsod ng Tuguegarao at Santiago ang may pinakamataas na aktibong kaso na kapwa ay may mahigit siyamnapung bilang. Sumusunod naman ang bayan ng Cabagan sa Isabela na may mahigit pitumpu. 

Gayunpaman, aminado si Director Magpantay na mataas pa rin ang positivity rate ng rehiyon na nasa 8.7 porsyento pa o nasa "critical level" pa rin. 

Aniya, kailangang maibaba ito sa limang porsyento lamang para maibalik sa threshold level o mas mababang bilang ng mga nagposositibo sa kabuuang dami ng mga isinasailalim sa testing araw-araw. 

Muli din niyang hinimok ang mga opisyal at mga mamamayan na patuloy na makipagtulungan para mapagtagumpayan na maibalik sa normal ang mga aktibidad at ekomoniya ng rehiyon. (JCK/OTB/PIA-Cagayan) 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments