Biñan City LGU, mga pribadong ospital magkatuwang sa paglulunsad ng COVID-19 vaccination drive

SA LUNGSOD NG BIÑAN, BIDA ANG MAY BAKUNA. Nitong Biyernes, Marso 5 ay lumagda sa isang kasunduan ang pamahalaang lungsod ng Biñan sa ilang mga pribadong ospital sa lungsod upang maging katuwang nito sa pagpapatupad ng Covid-19 vaccination program. (Photo from Mayor Arman Dimaguila FB Page)

BIÑAN CITY, Laguna, Mar 8 (PIA) -- Nakipagkasundo ang pamahalaang lungsod ng Biñan sa ilang pribadong ospital sa lungsod upang maging katuwang nito sa pagpapatupad ng malawakang pagbabakuna kontra coronavirus disease 2019 (Covid-19).
 
Nitong Biyernes, ika-5 ng Marso ay pormal na lumagda sa isang kasunduan ang pamahalaang lungsod sa pangunguna ni Mayor Arman Dimaguila at ang mga opisyal ng Perpetual Help Medical Center, Biñan Doctors Hospital, Unihealth Southwoods.
 
Kabilang rin sa magiging kabahagi ng lungsod sa malawakang pagbabakuna ang Ospital ng Biñan.
 
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Mayor Dimaguila sa mga pribadong ospital gayundin sa mga medical frontliners at mga naging kabahagi nito sa paglaban sa COVID-19.
 
“Lalagpasan natin ito through vaccination at lalagpasatin natin ito sa pagtutulong-tulong ng lahat ng nagmamahal sa ating lungsod,” ani Dimaguila.
 
“Bayani ang mga doktor at nars, bayani ang lahat ng mga essential workers. Maraming Salamat po. Utang na loob ng lungsod ng Biñan ang pagtawid natin sa COVID-19 sa inyo pong lahat,” pahayag ng alkalde.
 
Kaugnay nito ay nagsagawa rin ng vaccination simulation exercise ang pamahalaang lungsod nitong Biyernes bilang paghahanda sa nalalapit na pagpapatupad ng vaccine rollout.
 
Ayon sa Biñan City Information Office, itinalaga ang makasaysayang Alberto Mansion na COVID-19 vaccination center kung saan isinagawa ang simulation exercises.
 
Binigyang pagkilala naman ng Department of Health Region 4A ang pamahalaang lungsod ng Biñan sa kahusayan at kahandaang ipinamalas nito sa isinagawang simulation exercises.
 
"Napakagaling ng Lungsod ng Biñan. Eversince po, ang Biñan ay performer. Salamat po sa inyong lahat. With this simulation, kitang kita po na prepared at ready na kayo. You are all set for the vaccination. Congratulations!” pahayag ni Dr. Gigi Janairo, DOH Provincial Health Team Leader.
 
Sa ngayon, hinihintay pa ng pamahalaang lungsod ang pagdating ng bakuna upang masimulan na ang COVID-19 vaccination rollout. (FSC)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments