Ayala Corp, buo ang suporta sa Covid-19 vaccination program ng pamahalaan

BUO ANG SUPORTA. Sa kanyang mensahe sa isinagawang pagbabakuna sa mga healthcare workers ng Qualimed Hospital -Santa Rosa, sinabi ni Ayala Corporation President at Chief Operating Officer Fernando Zobel de Ayala na makikipagtulungan ito sa pamahalaan upang mabakunahan ang mas maraming Pilipino kontra COVID-19. (File Photo: PIA Laguna)

SANTA ROSA CITY, Laguna, Mar 8 (PIA) – Mananatiling buo ang suporta ng Ayala Corporation sa mga hakbang at inisyatibo ng gobyerno sa laban nito sa coronavirus disease 2019 (Covid-19).
 
Ito ang ipinangako ni Ayala Corporation President at Chief Operating Officer Fernando Zobel de Ayala sa kanyang mensahe sa pagsisimula ng pagbabakuna sa mga healtcare workers sa Qualimed Hospital sa lungsod ng Santa Rosa, nitong Linggo, Marso 7.

Ayon kay Zobel, ang pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor ang pinaka-epektibong paraan upang malabanan ang COVID-19.

Sinabi rin nito na ang paglulunsad ng COVID-19 vaccination program ay nagbigay liwanag sa problemang kinakaharap ng bansa dahil sa Covid-19 pandemic.

“The launch of this campaign has definitely provided the light at the end of what has been a long and tortuous tunnel,” pahayag ni Zobel.

“Please know that the Ayala Group will be here to support your efforts and we look forward to working closely with you to vaccinate as many Filipinos as we can the soonest possible time,” dagdag ng Pangulo at COO ng Ayala Corporation.
 
Ibinahagi rin ni Zobel na suportado nito ang Covid-19 vaccination program magmula pa nang simulan ng pamahalaan ang pagbuo dito.
 
Ikinagagalak din aniya na makita ang bunga ng pagsisikap ng mga nasa likod ng programa sa paglulunsad ng national vaccine program.
 
“We have always been big supporters of the national vaccine deployment program from the early days of its conception, having been privy to stories of hard work that has gone on behind the scene. I am delighted to see these efforts comes to fruition with the launching of national vaccine program,” ani Zobel.
 
Isang inspirasyon din aniya na makita ang ipinapakitang suporta ng mga healthcare institution sa mga hakbang ng IATF at Department of Health sa paglulunsad ng mga ito ng kanilang vaccination drive sa mga nakalipas na araw.
 
Umaasa din ito na sa pamamagitan ng malawakang pagbabakuna ay mababawasan na ang mga kaso ng Covid-19 at mapapabilis ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
 
“This gives me hope that in addition to provide a much-needed protection for individuals, the vaccines will eventually reduce the burden to our healthcare system, stop disease transmission, and accelerate the path to recovery for our country,” pahayag ni Zobel.
 
Samantala, nagpaabot din ng pasasalamat si Zobel sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases sa pagbuo nito ng COVID-19 vaccination deployment program ng bansa at patuloy na pakikipagtulungan nito sa Ayala Group.
 
Isang karangalan din aniya na mapili ng IATF ang Qualimed Hospital na unang mabigyan ng bakuna kontra COVID-19 para sa mga healthcare workers nito.
 
Nitong Linggo, ika-7 ng Marso ay sinimulan na ng pamahalaan ang pagbabakuna sa may kabuuang 157 healthcare workers sa Qualimed Hospital sa Santa Rosa City, Laguna matapos ang pagdating ng AstraZeneca vaccines sa bansa.
 
Ang Qualimed Hospital – Santa Rosa ang ikatlong ospital sa bansa na nakatanggap ng AstraZeneca vaccines, ayon sa National Task Force Against Covid-19. (FSC)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments