Tagalog News: ‘No fail policy’ makapipinsala sa distance learning - Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Peb. 7 (PIA) -- Imbes na makatulong sa mga mag-aaral, maaaring maging hadlang pa ang “no fail policy” sa epektibong pagkatuto ng mga mag-aaral sa pagpapatupad ng distance learning.

Ito ang payahag ni Senador Win Gatchalian sa kabila ng mga panawagang ipasa ang lahat ng mga mag-aaral sa kalagitnaan ng pandemya ng COVID-19.

“Hindi ako sang-ayon diyan dahil may mga bata talagang mahina, halimbawa, sa Math, Reading, o sa Science. Dapat nating malaman ‘yun para matulungan natin sila. Kung ipapasa mo lahat, paano mo malalaman kung saan siya mahina?” ani Gatchalian.

“Imbes na matulungan natin sila, lalo lang natin silang pahihirapan pag-akyat na sa susunod na baitang. Yung mga pagsasanay sa iba’t-ibang mga subjects ay para malaman kung saan po sila mahina,” dagdag na pahayag ng senador.

Ayon sa Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, ang layunin ng sektor ng edukasyon sa pagpapatupad ng distance learning sa kabila ng mga hamong dinulot ng pandemya ay tiyakin ang kahandaan ng mga mag-aaral para sa susunod na antas ng kanilang pag-aaral.

Binigyang diin ni Gatchalian ang papel ng assessment upang matukoy ang mga aspeto kung saan natututo ang mga mag-aaral at saan nila kakailanganin ng tulong. Kapag nasuri nang husto ang kaalaman ng mga mag-aaral, matutukoy ng mga paaralan kung sino ang mga dapat lumahok sa mga remedial program. Para kay Gatchalian, ang mga mag-aaral na umakyat sa susunod na baitang nang hindi natututo ng husto ay lalo lamang mahihirapan.

Paalala ng mambabatas, ipinakita ng tatlong international assessments na hirap na ang mga mag-aaral ng bansa bago pa tumama ang pandemya. Ang mga pag-aaral na ito ay ang 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), ang Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM) 2019, at ang Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS).

Batay sa resulta ng mga naturang pag-aaral, nahuhuli ang mga mag-aaral na Pilipino kung ihahambing sa mga mag-aaral ng ibang bansa.

Kamakailan naman ay ipinahayag ng mga opisyal ng Department of Education (DepEd) sa isang pagdinig sa Kamara na hindi sila pabor sa no fail policy. (PIA-NCR)

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments