Tagalog News: LGU Lucena maglalaan ng P350M para sa COVID-19 vaccine

LUNGSOD NG LUCENA, Quezon, Peb 18 (PIA) --Inihayag ni Lucena City Mayor Roderick Alcala na maglalaan ang pamahalaang panglungsod  ng Lucena ng P350M para gamiting pambili ng COVID-19 vaccines.

Sa panayam sa alkalde, sinabi nito na ang pamahalaang panglungsod ay may nakalaan ng P50M at ito ay dadagdagan na lang ng P300M na uutangin pa upang makumpleto ang pambili ng mga bakuna.

Ayon pa sa alkalde, sumulat na siya sa Sangguniang Panglungsod para magkaroon ng “authority to loan” upang madagdagan ng P300M ang pambili ng mga bakuna.

“Makikipag-ugnayan po tayo sa Department of Health sa pamamagitan  nina Dra. Joy ng City Health Office at ang ating admin officer upang alamin natin kung ano ang maganda at safe na bakuna para yaon ang ating bibilhin upang mapangalagaan natin ang ating mga kababayan laban sa corona virus disease,” sabi pa ni Alcala

Sinabi pa ng alkalde na kung saan makakabili ng gamot o bakuna ay sisiguraduhin din niya na kasama na ang magiging storage ng mga bakuna para masigurong ligtas ang mga gagamitin bakuna.

“Kung ano po yaong magandang bakuna at safe na gamitin ay yaon po ang ating bibilhin” sabi pa ni Alcala

Samanatala, patuloy na ipinatutupad ng Luena City Health Office at ng Lucena City IATF ang mga health protocols sa mga pangunahing establisimyento sa lungsod kagaya ng mga malls at public market gayundin sa mga pribadong tanggapan at mga tanggapan ng gobyerno upang maiwasan ang paglaganap ng corona virus disease sa buong lungsod ng Lucena.  (Ruel Orinday- PIA-Quezon)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments