Tagalog News: Ilan pang benepisyo sa ligtas na pagbubukas ng mga paaralan, tinukoy ni Gatchalian

Senator Win Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Peb. 20 (PIA) -- Binigyang diin ni Senator Win Gatchalian ngayong araw na ang pagpapatuloy ng mga safety nets para sa mga mag-aaral ay isang dahilan para bigyang prayoridad ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan.

Ani Gatchalian, ang benepisyo ay bukod sa agarang pagkakaroon ng learning recovery sa gitna ng mga pinsalang dulot ng COVID-19 sa sistema ng edukasyon. 

Aniya, may ilang programa ang mga paaralan upang masuportahan ang mga nangangailangang mag-aaral. Para sa ilan sa kanila, halimbawa, ang school-based feeding program ang tanging pinagkukunan nila ng masustansyang pagkain sa kada araw.

May mga programa ring pangkalusugan sa mga paaralan tulad ng deworming at pagbabakuna, habang ang ilan naman sa mga bata na nanganganib na dumanas ng karahasan at pang-aabuso sa loob ng kanilang tahanan ay maaaring matulungan ng mga child protection programs ng eskwelahan. Matatandaang tumaas ang kaso ng karahasan laban sa mga kabataan at lalong nanganganib na umakyat ang bilang nito ngayong panahon ng pandemya.

Makatutulong naman sa mental health ng mga estudyante ang pakikipag-ugnayan nila sa kanilang mga kapwa mag-aaral kapag natuloy na ang face-to-face classes lalo na sa low risk areas. Sa pamamagitan din ng limited face-to-face classes, maaaring makatanggap ang mga mag-aaral ng sapat na paggabay mula sa kanilang mga guro.

“Maliban sa pagbibigay ng edukasyon, ang mga paaralan ay may mga programa rin para sa kalusugan, proteksyon, at kapakanan ng mga mag-aaral na maaari lamang maibigay sa kanila kapag nagkaroon na ng face-to-face classes. Higit na mahalaga ang pagtugon sa mga programang ito ngayong panahon ng pandemya,” ani Gatchalian.

Muli ring binigyang diin ng Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture na base sa mga pag-aaral na ginawa ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) sa Estados Unidos, Public Health Agency (PHA) ng Northern Ireland at University of Warwick sa Inglatera, mas malaki ang posibilidad na mahawa ang mga kabataan sa mga komunidad kesa sa mga paaralan kaya posible ang pagsasagawa ng face-to-face classes basta ipagpatuloy lang ang health protocols tulad ng pagsuot ng mask, physical distancing, regular na paghuhugas ng kamay, at disinfection.

Ani Gatchalian, ang ligtas na pagbabalik-eskwela ay dapat magsimula sa mga itinuturing na low-risk areas. Ayon sa mapa ng COVID-19 tracker ng University of the Philippines, may mahigit apat na raang (433) mga munisipalidad ang walang aktibong kaso ng COVID-19 buhat noong Pebrero 9. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments