Tagalog News: Hindi otorisadong paggamit ng smart tablet mula sa QC govt, may kaukulang parusa -Mayor Belmonte

Pamamahagi ng smart tablet para sa mga estudyante ng Lungsod Quezon na pinangunahan ni Mayor Joy Belmonte. (PIA NCR file)

LUNGSOD CALOOCAN, Peb. 20 (PIA) -- Muling nagbabala si Quezon City Mayor Joy Belmonte na may karampatang parusa ang hindi otorisadong paggamit ng tablet na pinahiram ng lungsod sa lahat ng Grade 7-Grade 12 public school students.

Ito'y, matapos natyempuhan ng Task Force Disiplina ang isang grupo ng kalalakihan na nag-iinuman sa kalye bago maghatinggabi ng Pebrero 14, kung saan pagkakita sa mga tauhan ng TFD, nagtakbuhan ang ibang nag-i-inuman at naiwan naman ang isang tablet sa lamesa.

Ang tablet ay dapat na ginagamit ng estudyante sa pag-aaral, pero nakitang nakabukas ito sa online sabong.

“Sa gitna ng pandemya, ginawan natin ng paraan sa tulong ng Quezon City Council na magkaroon ng kanya-kanyang tablet ang mga estudyante para sa blended learning. Tumaya po tayo sa edukasyon ng mga bata, at hindi po ito dapat gamitin sa sugal o anumang iligal na gawain,” sabi ni Mayor Belmonte.

Base sa QC Council Ordinance no. 2954 S-2020, may parusa ang sinumang may hawak o bumili ng tablet maliban sa estudyanteng dapat gumagamit nito.

May pananagutan rin ang mahuhuling nagdownload ng games o pelikula sa tablet, at kabilang sa papatawan ng parusa ang magulang ng bata.

Bukod pa rito, ipinagbabawal rin ng ordinance ang pagbebenta o pagsasanla ng tablet.

Kabilang sa parusa ang multa na aabot sa P5,000, ayon sa lokal na ordinansa. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments