Tagalog News: ATI, magpaparami ng ASF-Free na mga bagong dumalagang baboy

LUNGSOD NG MALOLOS, Pebrero 7 (PIA) -- Magpaparami ng mga bagong henerasyon ng mga dumalagang baboy ang Department of Agriculture o DA sa tulong ng Agricultural Training Institute o ATI sa itatayong Multiplier Farm sa Bulacan Agricultural State College o BASC.
 
Ayon kay ATI Region 3 Center Director Veronica Esguerra, kinatulong ng DA ang ATI upang matiyak na malinis at hindi dadapuan ng African Swine Fever o ASF ang palalakihing mga dumalagang baboy.
 
Ipinaliwanag niya na dahil hindi pa maaring magparami o mag-alaga ng baboy ang mga taga Luzon, partikular na ang mga Hog raisers sa Bulacan, ang DA at ATI na mismo ang magpapasimula na makapagpalaki at makapagparami ng bagong henerasyon ng mga baboy.
 
Ang magiging sistema, may inisyal na 30 dumalaga ang palalakihin at pararamihin sa nasabing Multiplier Farm sa BASC hanggang sa katapusan ng 2021.
 
Simula sa taong 2022, magkakaroon na ng pormal na dispersal ng mga Dumalagang Baboy kung saan prayoridad na mabigyan ang mga Hog raisers na labis na naapektuhan ng ASF.
 
Binigyang diin pa ni Esguerra na isa itong istratehiya upang unti-unting maibalik ang normal na estado ng stock at suplay ng karne ng Baboy sa mga pamilihan.

Pagtutulungan ng Department of Agriculture at Agricultural Training Institute ang pagtatayo ng isang Multiplier Farm na ilalagak sa Bulacan Agricultural State College upang makapagparami ng mga bagong henerasyon ng mga dumalagang baboy. (DA)

Ayon sa Philippine Statistics Authority, bagama’t 60 porsyento ng suplay ng karne ng baboy sa Metro Manila ay nagmumula sa Bulacan, patuloy sa pagbaba ang bilang ng mga napapalaking baboy.
 
Noong 2018, nakapagtala ng 259, 677 metro tonelada ng karne ng baboy ang suplay sa Bulacan. Bumaba ito ng -19.2% noong 2019 nang unang dumapo ang ASF kaya’t 209,776 metro tonelada na lamang.
 
Nitong nakaraang taong 2020, ang taon na nagsimula ang pandemya ng COVID-19, hindi pa rin humuhupa ang ASF.
 
Kaya’t ayon kay Provincial Veterinarian Voltaire Basinang, isang welcome development ang Multiplier Farm upang makalikha ng panibagong breed ng mga baboy at makapagsimulang muli ang pangunahing industriyang ito sa Bulacan.
 
Umabot na aniya sa 80% ng mga Hog raisers sa lalawigan ang naapektuhan kaya’t mas marami ang piniling huminto sa pag-aalaga habang wala pang bakuna para mga baboy laban sa ASF. (CLJD/SFV-PIA 3)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments