Mga organisasyon nagtanim sa Araw ng mga Puso, tumulong sa mga Ita

Namahagi ng konting tulong ang mga iba't ibang grupo sa mga katutubong Ita sa bayan ng Santa Ana sa mismong Araw ng mga Puso.

SANTA ANA, Cagayan, Feb. 14 (PIA) - - Imbes na makipag-date sa kanilang mga iniirog, ginawang mas makabuluhan ng grupo mula sa iba't-ibang ahensiya at organisayon ang kanilang Valentines Day sa pamamagitan ng pagtatanim at pag-akyat sa bundok para mag-abot ng konting tulong sa mga katutubong Ita.

Sa Palawig Elementary School unang nagsagawa ng tree planting ang mga nakilahok mula sa Parents-Teachers Association, mga pulis, sundalo, marines, mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng bayang ito, mga kinatawan mula sa Informers' Club Media Association, Sierra Falcones, at Kabataan Kontra Droga at Terorismo.

Kabilang sa mga itinanim sa loob mismo ng nasabing eskwelahan ay mga punla ng Cacao at Lubeg.

Nagpasalamat naman si Mayor Nelson Robinion sa mga tumulong sa kanilang adhikaing mapangalagaan ang kanilang kapaligiran, lalo na ang pangangalaga sa mga punong kahoy.

"Sisiguraduhin naming mabubuhay ang mga itinanim ninyo para pagbalik niyo muli ay makikita niyo parin ang mga ito," pahayag ng alkalde.

Ayon naman kay Emelita Alibania, school head, isang monumento ang mga itinanim ng grupo na magsisilbing instrumento ng pangangalaga sa kalikasan at pagpapahalaga sa kapaligiran.

Pagkatapos nito ay umakyat din ang grupo sa mga lugar ng mga katutubong Ita sa bayan ding ito upang mag-abot ng konting tulong.

Kabilang sa mga naipamahagi sa mga katutubo ay mga kumot, damit, mga damit panloob, mga sweater at kaunting meryende para sa mga bata.

Nakibahagi rin ang mga Ita sa pagtatanim ng mga punong kahoy sa palibot mismo ng kanilang komunidad at tinuruan rin silang pahalagahan ang mga kahoy kung saan sila naninirahan. (OTB/PIA-Cagayan)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments