2 bata, patay matapos malason sa kinaing alimango 

Sa salaysay ni Mylyn Cuabo, ina ng mga batang nasawi, hindi umano niya itinuloy kainin ang nilutong alimango dahil nalasahan niyang maasim ito subalit ang kanyang mga anak at ang asawa nito ay nakarami na ng kain. 

SANTA ANA, Cagayan, Feb. 14 (PIA) - - Dalawang pamilya ang nalason kung saan dalawang batang magkapatid ang namatay matapos kumain ng "Kuret" - isang uri ng alimango na may taglay na lason sa Barangay Tangatan, sa bayang ito.

Sa salaysay ni Mylyn Cuabo, ina ng mga batang nasawi, maagang pumalaot ang kanyang asawa noong Pebrero 10, 2021 para kumuha ng kanilang mauulam.

Ani Mylin, nag-uwi umano ang kanyang asawa ng iba't-ibang klase ng isda at alimango kung saan una niyang niluto ang mga alimango para sa kanilang agahan.

"Nung matapos akong magluto, pinauna ko silang kumain dahil may ginagawa pa ako. Nung tikman ko ang alimango ay nalasahan ko na maasim kaya hindi ko itinuloy kinain pero ang mga anak ko at ang asawa ko ay nakarami na sila ng kain," kwento nito.

Dagdag pa niya na ilang oras matapos silang mag-almusal ay nakaramdam na ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagkahilo ang kanyang asawa na si Eugenio at sumunod din ang kanyang mga anak na sina Reign Clark, 5 taong gulang, at McNeal Craig, 3 taong gulang.

Agad umanong isinugod sa ospital ang mag-a-Ama kung saan naging kritikal ang kundisyon ni Eugenio pero ang dalawang bata ay hindi na nakaligtas.

"Nagtataka ako kasi lagi naman kaming kumakain ng ganitong uri ng alimango pero ngayon lang kami nalason," pahayag ni Mylyn.

Maliban sa pamilya Cuabo, may kapitbahay din umano silang nakihati at kumain ng nasabing uri ng alimango sa araw na iyon pero naagapan sila agad sa ospital.

Agad namang sinuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang nasabing alimango kung saan ito umano ay may scientific name na Zozymus aenus na sadyang may taglay na toxins o lason at hindi dapat kinakain.

Ayon kay Dr. Jefferson Soriano, beterinaryo ng BFAR, dapat maging maingat ang mga tao sa pagkain ng mga lamang dagat dahil may mga species na hindi pwedeng kainin lalo na ang mga di pangkaraniwan ang itsura at mga makukulay.

Agad namang nag-abot ng tulong ang pamahalaang bayan ng Santa Ana sa pamilya ng mga nasawing bata.(OTB/PIA-Cagayan)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments