Tagalog News: Odiongan LGU maglalaan ng 5M para sa bakuna kontra Covid-19

Maglalaan ng aabot sa P5 milyon ang lokal na pamahalaan ng Odiongan sa Romblon bilang paunang pambili ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 o Covid-19. (PIA Romblon File Photo)

ODIONGAN, Romblon, Enero 12 (PIA) -- Maglalaan ng aabot sa P5 milyon ang lokal na pamahalaan ng Odiongan sa Romblon bilang paunang pambili ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 o Covid-19.

Ito ang inanunsyo ni Mayor Trina Firmalo-Fabic sa kanyang Facebook page kagabi.

"May initial consultation na kami kanina kasama si Vice Mayor at mga Sangguniang Bayan, at suportado nila ang paglaan ng nasabing pondo," ayon sa post ni Mayor Fabic.

Aniya, Disyembre pa unang napag-usapan ang pagbili ng bakuna at pinagpipilian ang mga gamot ng Astra Zeneca o Moderna.

Sinabi rin ng alkalde na uunahing bakuna ang mga frontliner sa bayan, mga senior citizen, mga PWD, at mga walang kakayahang bumili.

Kung kakailangan, may nakikita pang karagdagang P5 milyon na pondo ang lokal na pamahalaan pandagdag rito.

Lubos rin aniya nilang tatanggapin ang mga bakuna na ilalaan at ibaba ng pamahalaang nasyonal dahil mas marami pang residente ng Odiongan ang mabibigyan ng bakuna.

Nagpaalala naman ang alkalde na patuloy na sumunod sa mga health protocols na pinatutupad sa bayan gaya ng social distancing, pagsusuot ng mask, paghuhugas ng kamay, at pag-gamit ng alcohol, habang wala pa ang lunas sa virus.

"Tandaan, kahit walang nararamdamang simtomas, pwedeng mayroon nang COVID-19 na virus na dinadala ang sinuman, na pwedeng makahawa sa iba, lalo na sa mas mahina ang immune system. Magkaisa tayo para sa maayos at masigla na Odiongan!" ayon sa alkalde. (PJF/PIA-Mimaropa)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments