Tagalog News: OccMin, kinilala ng DILG Mimaropa para sa mahusay na pagpapatupad ng CMGP

Ginawaran ng pagkilala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Mimaropa ang Pamahalaang Panlalawigan para sa mahusay na implementasyon ng mga programa sa ilalim ng Conditional Matching Grant to Provinces (CMGP). (PGO-MIS)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Enero 26 (PIA) – Ginawaran ng pagkilala kamakailan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Mimaropa ang pamahalaang panlalawigan para sa mahusay na implementasyon ng mga programa sa ilalim ng Conditional Matching Grant to Provinces (CMGP).

Ayon kay Juanito Olave Jr, Provincial Director ng DILG Occidental Mindoro, ang parangal na "Best Implementor of CMGP Projects" ay nakamit ng lalawigan dahil sa mabilis na konstruksyon ng mga panlalawigang lansangan na pinondohan ng CMGP para sa taong 2019.

“Anim na provincial road projects yan, nagkakahalaga ng P112 milyon sa kabuuan, at lahat ay maayos na naipagawa ng pamahalaang lokal,” ayon kay Olave. Ang mga proyektong nabanggit ay matatagpuan sa mga bayan ng Magsaysay, Calintaan, Sablayan at Sta Cruz.

Paliwanag pa ng opisyal, lahat ng probinsya sa bansa ay may nakalaang proyekto sa ilalim ng CMGP. May mga pamantayan o criteria na itinakda ang programa at ang pondong ilalaan ay depende sa pagtugon dito ng mga lokal na pamahalaan.

“Tinitingnan ng pamahalaang nasyonal ang performance at governance ng bawat lalawigan bilang mga pangunahing batayan," saad pa ni Olave. 

Sinabi rin ng Provincial Director na malaking tulong ang CMGP projects sa mga benepisyaryong pamayanan dahil mas napapadali ang paghahatid ng tulong sa kanila kung maayos at konkreto ang mga daan.

"Bagamat bahagyang lumiit ang inilaang pondo ng CMGP para sa OccMin sa taong 2020, malaking tulong pa rin ang programa para sa mga mamamayan nito, lalo na sa mga kabataang mag-aaral sa mga pamayanang laging lubog sa putikan tuwing tag-ulan," ayon pa sa opisyal. (VND/PIA MIMAROPA)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments