Tagalog News: New Manila International Airport project, may 50 taong prangkisa na

LUNGSOD NG MALOLOS, Enero 11 (PIA) -- Ganap nang isang batas ang ipinagkaloob na prangkisa para sa pagtatayo ng New Manila International Airport o NMIA bilang Republic Act 11506.  
 
Base sa ipinadalang dokumento ni Kinatawan Jose Antonio Sy-Alvarado ng Unang Distrito ng Bulacan, kung saan matatagpuan ang bayan ng Bulakan na pagtatayuan ng NMIA, 50 taong prangkisa ang ipinagkakaloob sa San Miguel Aerocity Inc. na siyang konsesyonaryo sa pagtatayo, pagbubukas at operasyon ng naturang paliparan.
 
Ayon sa kanyang inakda na House Bill 7507, nakapaloob sa prangkisa ang pagbibigay ng palugit na 10 taon upang kumpletuhin ang konstruksiyon ng NMIA at pasimulan ang operasyon nito sa 2,500 ektaryang lupain sa Bulakan na katabi ng Manila Bay.
 
Inuutusan din ang Civil Aviation Authority of the Philippines na bigyan ng operating permit ito sa loob ng isang taon matapos makumpleto ang konstruksiyon.
 
Sa loob ng nasabing 10 taon, pagkakalooban ng pamahalaang nasyonal ang konsesyonaryo ng iba’t ibang tax incentives at exemptions gaya ng income taxes, value added taxes, percentage taxes, excise taxes, documentary stamp taxes, customs duties and tariffs, taxes on real estates, buildings and personal property, business taxes, franchises taxes, supervision fees, levied at pati mga buwis na ipinapatad ng mga pamahalaang lokal.
 
Inuubliga naman sa nasabing prangkisa ang San Miguel Aerocity Inc. na magbayad sa pamahalaang nasyonal ng 12 porsyento Internal Rate of Return ng NMIA.
 
Ibig sabihin, magkakaroon ng bahagi ang pamahalaang nasyonal sa kikitain ng operasyon ng NMIA sa ibabaw ng 12% profit margin at 14% naman sa lahat ng kikitain.
 
Ganito rin ang probisyon sa bersiyon ng Senate Bill 1823 na iniakda naman ni Senador Juan Miguel F. Zubiri.
 
Para kay Gobernador Daniel Fernando, patunay ito na tuloy na tuloy ang proyektong NMIA.
 
Kaya’t ipinag-utos niya ang paglikha ng panlalawigang komite na tututok at tuwirang makikipag-ugnayan sa konsesyonaryo sa magiging daloy ng proyekto, mula sa pagsisimula ng konstruksiyon, panahon ng konstruksyon, pagtatapos ng proyekto hanggang sa magsimula ang operasyon nito.
 
Nagpahayag naman si Guiguinto Mayor Ambrosio Cruz, pangulo ng League of Municipalities of the Philippines-Bulacan Chapter, na tuluy-tuloy ang pakikipag-usap ng mga punong bayan at punong lungsod sa konsesyonaryo ng proyekto.
 
Ito’y upang maging maayos ang pagdaan ng mga kasangkapan at kagamitan na gagamitin para sa konstruksiyon.
 
Gayundin ang pagrerepaso at pagtutukoy, sa tulong ng konsesyonaryo, ng mga access roads para sa proyekto upang hindi masyadong maka-apekto sa araw-araw na transportasyon, kalakalan at komersiyo ng lalawigan.
 
Kaugnay nito, sa isang pahayag ni Eduardo Raoul C. Romulo, chief financial officer at treasury head ng San Miguel Holdings Corporation, sa isang panayam na isinagawa ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry inaasahang matapos ang konstruksiyon nito sa pagitan ng mga taong 2025 at 2026.
 
Tinatayang 30 milyong bagong trabaho ang malilikha partikular na sa larangan ng turismo.
 
May halagang 735.6 bilyong piso ang kabuuang halaga ng proyekto kung saan kasama ang pagtatayo ng walong-kilometrong elevated expressway mula sa North Luzon Expressway o NLEX sa bahagi ng Marilao patungo sa barangay Taliptip sa Bulakan.
 
Samantala, bukod sa 8-kilometrong NMIA Expressway mula sa NLEX, may 21 pang mga expressways ang ilalatag ng konsesyonaryo papunta at paalis sa NMIA.
 
Kabilang diyan ang Skyway Stage 3 extension mula sa Balintawak papuntang Bulakan, Bulacan-Bataan Airport Expressway, Bulacan-Tarlac Airport Expressway segment 1 at segment 2, NMIA-MRT 7 Expressway mula Balagtas hanggang Bulakan at iba pang expressway extension projects mula sa Metro Manila papuntang NMIA sa Bulakan, Bulacan. (CLJD/SFV-PIA 3)
 
 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments