Tagalog News: Kakulangan ng supply ng karne, nais bigyang solusyon ng LGU-Odiongan

Pinulong kamakailan ng lokal na pamahalaan ng Odiongan ang mga mangbababoy sa Odiongan Public Market upang pag-usapan at alamin ang mga problema kung bakit nagkakaroon ng kakulangan sa supply ng karne sa bayan ng Odiongan. (Paul Jaysent Fos/PIA-Romblon)

ODIONGAN, Romblon, Enero 25 (PIA) -- Pinulong kamakailan ng lokal na pamahalaan ng Odiongan ang mga nagaalaga at nagbebenta ng baboy sa Odiongan Public Market upang pag-usapan at alamin ang mga problema kung bakit nagkakaroon ng kakulangan sa supply ng karne sa bayan ng Odiongan.

Nitong nakalipas na mga linggo kasi, nakaranas ng kakulangan ng supply ng mga karne ng baboy at manok ang bayan ng Odiongan at ilang bayan sa Romblon, ilang araw pa lamang matapos ang Holiday season.

Ipinaliwanag sa lokal na pamahalaan ng mga meat vendors na nakakaapekto sa supply ng karne ang ilang problema, kagaya ng pag-angkat ng mga baboy mula Romblon patungong Batangas at Manila, at ang pandemya ng Covid-19.

Nangako naman ang lokal na pamahalaan ng Odiongan na sila ay magpapasa ng ordinansa para mabigyan ng solusyon ang kinakaharap na problema ng bayan.

Ilan rito ay ang pag-regulate sa pagbiyahe ng mga baboy para manatili ang tamang supply ng karne sa palengke, pagpupursige sa publiko na pasukin ang backyard hog raising, at ang pag-amyenda sa Municipal at Barangay Ordinance patungkol sa pag aalaga at sa tamang presyuhan ng live at dressed meat.

Siniguro naman ng lokal na pamahalaan sa publiko na mananatili sa mababang presyo ang karne ng baboy at manok sa Odiongan Public Market. (PJF/PIA-Mimaropa)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments