Tagalog News: BARMM gov’t nakatakdang magtayo ng mga pasilidad sa Maguindanao

LUNGSOD NG COTABATO, Enero 24  (PIA) --- Nakatakdang magtayo ang pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ng executive halls, public markets, at legislative buildings sa limang mga bayan sa Maguindanao.

Ito ay matapos lumagda sa Memorandum of Understanding (MOU) kamakailan ang Ministry of the Interior and Local Government (MILG-BARMM) at Office of the Chief Minister (OCM) kasama ang mga alkalde ng mga bayan ng Talayan, Kabuntalan, South Upi, Datu Blah Sinsuat, at Sultan Kudarat para sa pagpapatayo ng mga nasabing pasalidad.

Ang pondo sa nasabing proyekto ay mula sa Local Government Facilities Development Program (LGFDP) ng OCM sa pakikipagtulungan ng MILG. Dagdag pa dito, may funding support din ang mga proyekto mula sa regular na pondo ng MILG at contingency fund mula sa OCM.

Ayon kay MILG Minister Atty. Naguib Sinarimbo, ang mga imprastraktura ang magtatayo ng pundasyon ng kooperasyon ng regional government at mga bayan sa Maguindanao.

Binigyang-diin naman ni BARMM Chief Minister Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim na ang pamahalaan ng BARMM ay patuloy na magpapatupad ng mga programa at proyekto, lalo na sa infrastructure support, sa bawat bayan sa buong rehiyon.

Matatandaang noong Disyembre nang nakaraang taon, kaparehong kasunduan din ang nilagdaan sa pagitan ng MILG at mga bayan ng Sultan Dumalondong, Butig, Poona Bayabao, at Lumbaca Unayan sa Lanao del Sur, at Pandag sa Maguindanao para sa konstruksyon ng mga pasilidad ng pamahalaan.  (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BIO-BARMM).



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments