Tagalog News: 12 Local Colleges sa Gitnang Luzon, pinarangalan ng CHED

LUNGSOD NG MALOLOS, Enero 23 (PIA) -- Tumanggap ng Gawad Parangal ang 12 local colleges sa Gitnang Luzon mula sa Commission on Higher Education o CHED.
 
Ginanap ito sa Bulacan State University sa Malolos bilang bahagi ng dalawang linggong pagbisita ni CHED Chairperson Prospero De Vera sa lalawigan.
 
Ayon sa tagapangulo, kalakip ng Gawad Parangal ang institutional recognition kung saan binibigyan din sila ng Certificate of Eligibility na maaring makatanggap ng pondo mula sa CHED sa ilalim ng Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
 
Ibig sabihin, pumasa sila sa itinakdang pamantayan ng CHED na makapagbukas ng kolehiyo at makapagturo ng mga partikular na kurso kaya’t maaring mapagkalooban ng pondo para sa libreng tuition.

Personal na tinanggap ni Guagua Mayor Dante Torres (pangalawa mula sa kaliwa) ang pagkilala mula sa Commission on Higher Education. May kabuuang 12 local colleges sa Gitnang Luzon ang nakatanggap ng naturang parangal. (Rodel Zuniga/PIA 3)

Ipinaliwanag ni CHED Regional Director Maria Teresita Semana na pangunahing batayan ng komisyon ang epektibong pamamaraan ng mga local colleges sa pagtuturo at administrasyon, mataas na kalidad ng mga pasilidad at ang sustainability o tuluy-tuloy na maayos na operasyon.
 
Lahat ng limang local colleges sa Bulacan ay nakatanggap ng Gawad Parangal. Una na riyan ang Bulacan Polytechnic College na pinapatakbo ng pamahalaang panlalawigan at Baliwag Polytechnic College, Pambayang Dalubhasaan ng Marilao, Polytechnic College of City of Meycauayan at Norzagaray College na pawang pinapangasiwaan ng kani-kanilang mga pamahalaang bayan at lungsod.
 
Sa Pampanga, nagawaran ang City College of Angeles, Mabalacat City College, City College of San Fernando at Guagua Community College.
 
Gayundin ang Gordon College at Polytechnic College of Botolan sa Zambales at ang Eduardo L. Joson Memorial College sa Nueva Ecija. (CLJD/SFV-PIA 3)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments