San Juan, NTF, AstraZeneca pumirma ng kasunduan para sa unang 100,000 doses ng bakuna

Mayor Francis Zamora habang pinapangunahan ang pagbubukas ng WASH center sa lungsod na nagsusulong sa tamang paghuhugas ng kamay laban sa COVID-19. (Mula sa Facebook Page ng alkalde) 

LUNGSOD CALOOCAN, Enero 12 (PIA) -- Pumirma na ng kasunduan ang Pamahalaang Lungsod ng San Juan, kasama ang National Task Force Against COVID-19, at pharmaceutical company AstraZeneca para sa pagbili ng inisyal na 100,000 doses ng bakuna kontra COVID-19.

Ayon kay Mayor Francis Zamora, ito ay para sa mga San Juaneñong nagnanais magpabakuna bilang proteksyon sa nakamamatay na sakit.

"Ang inisyal na 100,000 doses ay sapat para sa 50,000 na San Juaneñong nais magpabakuna. Nangako rin ang Pamahalaang Nasyunal ng karagdagang supply ng bakuna para sa mga San Juaneño na hiwalay pa sa ating bibilhin," ani Mayor Francis.

"Ang inisyal na bibilhin nating bakuna at ang karagdagang supply mula sa Pamahalaang Nasyunal ay sapat na para sa bilang ng mga San Juaneñong nais mabakunahan. May natitira pa tayong pondo para sa pagbili ng karagdagang bakuna sakaling may mga kababayan pa tayong gustong magpabakuna," dagdag pa nito.

Ani Zamora, upang mabakunahan, magpalista sa lamang ang mga residente sa COVID-19 Vaccination Registration online o sa kanilang mga barangay o health center.

Para sa online registration, sundan ang link na ito, https://forms.gle/1N39ywUFnUdWwPgDA  o i-scan ang QR Code.

"Mag-register sa lalong madaling panahon," dagdag pa ni Zamora. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments