500 caregiver slots, binuksan ng Israel para sa mga Pinoy- POEA

LUNGSOD CALOOCAN, Enero 9 (PIA) -- Handa nang tumanggap ang bansang Israel ng 500 caregiver mula sa Pilipinas.

Ito ang malugod na ibinalita ni Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Administrator Bernard Olalia sa Laging Handa public briefing noong  Huwebes,Enero 7, 2021.

“Malugod kong ibinabalita sa mga kababayan na nagnanais magtrabaho sa abroad na mayroong quotang ibinigay ang bansang Israel na naayon sa bilateral labor agreement for the deployment of Filipino caregivers,” ani Olalia.

“Mayroong 500 slots ang pupunuan ngayong taon at ito ay available maging lalaki o babae mang caregivers,” dagdag nito.

 Ayon sa administrador ng POEA, ang mga kwalipikasyon na hinihingi ng nasabing trabaho ay ang mga sumusunod:  23 taong gulang pataas, tapos ng nursing o physical therapist o college graduate na graduate ng caregiving course.

“Mayroong online registration, na matatagpuan sa website ng ahensiya na poea.gov.ph, hanapin ang e-registration paramakapasok sa platform, at doon makikita ang mga kailangang impormasyon,” paliwanag ni Olalia.

Upang masiguro naman ang kalusugan at kaligtasan ng mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa, nag-iisyu ang POEA ng advisories tungkol sa health and safety protocols.

Mayroon din babasahin at pipirmahang declaration form na nagsasaad kung may tamang kaalaman ang isang nais mag trabaho sa ibang bansa, tulad ng mga pandemic protocol sa lugar na kanyang pupuntahan.

Dagdag pa ni Olalia, kailangan ipakita ang negatibong resulta ng COVID-19 pagdating sa Israel sumailalim ng mandatory 14-day quarantine ang sinumang  magpupunta doon.

Ayon kay Olalia, malaki ang naging epekto ng pandemya  sa Overseas Employment Industry.

“Ang deployment ng overseas Filipino workers (OFWs) ay bumaba ng 70%-75% itong 2020 kumpara sa mga nakaraang taon,” pahayag ni Olalia.

Ayon pa sa opisyal, maraming recruitment agencies ang pansamantalang nagsara  at ang mga foreign employers ay hindi makatanggap ng mga trabahador dahil sa mga travel restrictions. 

“Marami ding kumpanya ng insurance ang nagsara dahil sa mababang deployment.  Kaya’y isang magandang balita ang pagbubukas ng Israel at ng iba pang bansa para sa mga trabahador na Filipino,” pagtatapos ni Olalia. (PIA-NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments