Tagalog News: P8-B mula sa Malampaya Fund, inilaan sa Murang Kuryente Act

LUNGSOD NG MALOLOS, Disyembre 19 (PIA) -- Nagsisimula nang bumaba ang bayarin sa kuryente ngayong Disyembre ng mga karaniwang sambahayan dahil sa puspusan nang pagpapatupad ng Republic Act 11371 o Murang Kuryente Act of 2019.
 
Iyan ang ibinalita ni Senador Sherwin Gatchalian, tagapangulo ng Senate Committee on Energy, sa kanyang pagbisita sa Malolos sa pagdiriwang ng Ika-21 taong anibersaryo nito bilang isang lungsod.
 
May halagang walong bilyong piso ang nakalaan sa pambansang badyet ng 2021 upang tustusan ang bahagi ng bayarin sa kuryente ng karaniwang pamilyang Pilipino.
 
Ibig sabihin, permanente nang hindi sisingilin ng universal charge ang bawat gumagamit ng kuryente.
 
Makakatipid ng 0.86 piso per kilowatt hour o kwh na kuryente ang isang sambahayan na kumukunsumo ng 200 kwh. Katumbas ito ng 172 piso buwan-buwan o 2,064 piso sa loob ng isang taon.

Ipinapaliwanag ni Senador Sherwin Gatchalian kung paano makikinabang ang isang sambahayan sa umiiral nang Murang Kuryente Act sa pagbaba ng bayarin sa buwanang kunsumo sa kuryente sa tulong ng Malampaya Fund. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Aniya, kabilang ang Malolos sa lubos na makikinabang dahil ang mahal ang singil ng kuryente dito.
 
Kabilang ang lungsod sa sakop ng prangkisa ng MERALCO habang ang ibang bahagi ng bansa ay sinusuplayan ng kuryente ng mga electric cooperative.
 
Sa nasabing batas, sinasagot na ng pamahalaang nasyonal ang ilang dating bahagi ng electric bill na ayon kay Gatchalian ay hindi dapat ipataw sa karaniwang consumers.
 
Nagmumula ang pondo sa royalty ng pamahalaang nasyonal sa Malampaya Fund na kita mula sa patuloy na Malampaya Oil Exploration sa Palawan na umaabot sa 208 bilyong piso. (CLJD/SFV-PIA 3)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments