Tagalog News: Mga ahensya ng pamahalaan, namahagi ng ayuda sa mga binagyo sa Pampanga

ARAYAT, Pampanga, Disyembre 15 (PIA) -- Ibinuhos ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang kanilang mga programa at serbisyo para sa mga pamilyang pinakanasalanta ng bagyong Ulysses sa mga bayan ng Arayat at Candaba.
 
Sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development o DSWD, nasa 754 pamilyang nasiraan ng bahay noong kasagsagan ng bagyo ang nakinabang mula sa programang Assistance for Individuals in Crisis Situation o AICS. 
 
Ayon kay DSWD Regional Director Marites Maristela, limang libong piso ang natanggap ng mga totally-damaged ang bahay habang tatlong libong piso naman sa partially-damaged.
 
Sa nasabing bilang, 650 ang benepisyaryo ng programa sa bayan ng Arayat kung saan 160 ang totally-damaged ang bahay habang 490 ang partially-damaged. 
 
Nasa 104 naman ang nakatanggap din ng AICS sa bayan ng Candaba dahil sa sunud-sunod na pananalasa ng mga bagyo at pagbaha nitong mga nakaraang buwan. 
 
Sa parte naman ng National Housing Authority, magsasagawa sila ng balidasyon sa mga nasiraan ng bahay upang tukuyin kung sino ang mga kwalipikadong mabigyan ng pambili ng materyales. 
 
Mayroon ding murang pabahay ang nasabing ahensya para naman sa mga gustong lumipat bilang bahagi ng kanilang Mexico-Arayat Resettlement Project. 
 
Bukod sa mga nasiraan ng bahay, tumanggap din ng ayudang nagkakahalaga ng tatlong libong piso ang 501 magsasaka sa Arayat at 996 na magsasaka sa Candaba na naapektuhan ng bagyo. 

Namigay ng bisikleta si Tanggapan ni Senador Bong Go para sa mga arawang manggagawa sa Arayat bilang bahagi ng ayuda ng pamahalaang nasyunal upang makabangon ang publiko mula sa nagdaang bagyo at sa COVID-19 pandemic. (Marie Joy S. Carbungco/PIA 3)

Sinabi ng Department of Agriculture na handa rin silang umalalay sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng makinarya tulad ng mechanical dryers sa mga rice cooperatives sa ilalim ng Enhanced KADIWA grant. 
 
Magbibigay naman ng pangkabuhayan ang Department of Trade and Industry para sa mga kwalipikadong benepisyaryo na gustong magtayo ng maliit na negosyo tulad ng sari-sari store, bigasan, o karinderia bilang bahagi ng kanilang programang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa. 
 
Kaugnay nito, bawat isa sa mga benepisyaryo ay nakatanggap ng isang bag ng grocery mula sa tanggapan ni Senador Bong Go.
 
Iba pa rito ang 25 bisikleta para sa mga arawang manggagawa at 25 computer tablet sa mga may anak na nag-oonline classes na ipinamahagi ng kanyang tanggapan. 
 
Sa kanyang pagbisita sa Arayat, pinaalalahanan naman ni Go ang mga benepisyaryo na habang bumabangon mula sa epekto ng mga nagdaang kalamidad ay panatilihin din ng malakas na pangangatawan bilang bahagi naman ng pagsugpo sa pandemyang dulot ng COVID-19. 
 
Kaugnay nito, namigay din siya ng vitamins at pinaalalahanan ang mga Kapampangan na gamitin ang Malasakit Center na nasa Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital kung kinakailangan nila ng ayudang medikal.
 
Nilinaw rin ng senador na uunahing bakunahan kontra COVID-19 ang mga mahihirap kapag opisyal na at deklarado nang ligtas itong iturok sa katawan ng isang indibidwal. 
 
Habang hinihintay pa ito, nanawagan si Go na sumunod pa rin sa minimum health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield, pahuhugas ng kamay, at physical distancing. (CLJD/MJSC-PIA 3)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments