Tagalog News: Mandatory Provident Fund, dagdag impok para sa SSS members

LUNGSOD NG MALOLOS, Disyembre 19 (PIA) -- Sisimulan na sa Enero 2021 ang pagpapatupad ng Mandatory Provident Fund o MPF para sa mga miyembro ng Social Security System o SSS na may monthly salary credit na mahigit sa 20 libong piso.
 
Ayon kay SSS Baliwag branch manager Marites Dalope, layunin nito na matiyak na may karagdagang impok ang miyembro pagdating ng panahon ng pagreretiro na bukod pa sa pensiyon na matatanggap.
 
Mapapalakas din aniya nito ang pagpapahalaga ng miyembro na makapag-impok bilang pamumuhunan para sa kinabukasan.
 
Ang magiging sistema sa pagpasok ng Enero 2021, mapupunta na sa MPF ang sosobra sa monthly salary credit.
 
Tax-free savings ang MPF at makakapag-ipon ang miyembro nang hindi nito namamalayan dahil otomatiko na itong makakaltas. Kalakip nito ang karagdagang isang porsyento na kontribusyon.
 
Hindi maaring ma-withdraw ang maiimpok sa MPF hanggang sa panahon ng pagreretiro ng isang miyembro.
 
Ipinaliwanag pa ni Dalope na upang lumago ang mga impok na MPF, ipapasok ito ng SSS sa Investment Reserve Fund sang-ayon sa probisyon ng Republic Act 11199 o SSS Act of 2018.

Si Social Security System Baliwag branch manager Marites A. Dalope. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Kabilang sa iikutan ng perang mula rito ay 15% sa government securities na uubrang umangat hanggang 100% at 20% sa corporate o multilateral institutions at equities.
 
Maglalaan din ng 25% para sa mga short-term loans na ipinapahiram ng SSS gaya ng salary, educational, livelihood, calamity at sa emergency loans.
 
Mayroon pang ipupuhunan na 40% sa mga money markets at iba pang investment instruments na aprubado ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
 
Mapupunta rin sa mga miyembrong kinaltasan ng MPF ang magiging kita mula sa mga puhunang nilagakan ng Investment Reserve Fund.
 
Ibabase ang magiging benepisyo sa MPF sa kabuuang accumulated account value ng isang miyembro sa panahon na maaprubahan ang kanyang claim sa retirement, total disability o pagkamatay. Kasabay na ring ipoproseso ang pagkuha ng MPF sa mga benepisyo sa pagreretiro, pagkakaroon ng kapansanan o mamatay.
 
Sakaling mamatay nang maaga ang isang miyembro na hindi na umabot sa nakatakdang pagreretiro, ibibigay sa kaanak ang natitirang balance ng MPF nito.
 
Kaugnay nito, binigyang diin ni Dalope na may pagkakaiba ng MPF sa naunang programang Personal Equity and Savings Option o PESO Fund sang-ayon sa Republic Act 9505 o Personal Equity and Retirement Account na kilala bilang PERA. Ang MPF ay mandatory habang ang opsiyonal ang PERA. (CLJD/SFV-PIA 3)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments