Tagalog News: Lalawigan ng Cotabato may mga bagong medical equipment

LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng Cotabato, Dis. 10 (PIA)-- Lalo pang pinalalakas ng pamahalaang panlalawigan ang paghahatid ng dekalidad na serbisyong medikal sa mamamayan lalo na ngayong may pandemya.

Kaugnay nito, kamakailan ay dumating sa probinsya ang mga bagong medical equipment para sa COVID-19 facilities at mga pampublikong ospital sa lalawigan. Ito ay kinabibilangan ng mga higaan, medicine cabinet, stretcher, anesthesia machine, ventilator, at oxygen regulator.

Personal na ininspeksyon ni Governor Nancy Catamco, kasama sina board member Dr. Philbert Malaluan at Integrated Provincial Health Office head Dr. Eva Rabaya ang mga bagong gamit. Ayon kay Catamco, ang mga bagong medical equipment ay may layong paigtingin ang pagtugon sa pandemya at sa kakulangan ng kagamitan sa mga pampublikong ospital sa lalawigan.

Nabatid na ang pondong ginamit sa pagbili ng mga nabanggit na medical equipment ay nagmula sa Bayanihan to Heal as One Act. Partikular na makikinabang nito ang Cotabato Provincial Hospital at mga district hospital sa mga bayan ng M’lang, Pres. Roxas, Antipas, Tulunan, Aleosan, Alamada, at Midsayap.

Maliban sa pag-inspeksyon sa mga bagong medical equipment, binisita din ng gobernadora ang itinatayong Provincial Health Office Building. Ang dalawang palapag na gusali ay binubuo ng mga opisina, auditorium, function hall, operational center, at marami pang iba.

Matatandaang isa sa mga prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ang pagsusulong ng maayos na kalusugan ng mamamayan sa pamamagitan ng maayos na serbisyong medikal. (With reports from Provincial Government of Cotabato)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments