Tagalog News: Ilang kabataan sa Odiongan, naglunsad ng 'Ukay-ukay for a cause'

Upang makatulong sa mga binaha at nasalanta ng bagyo sa probinsya ng Catanduanes, nagsagawa ng fund-raising activity ang mga kabataan sa Barangay Poctoy sa bayan ng Odiongan, Romblon kamakailan. (Larawan ni Jenilyn Fetalver)

ODIONGAN, Romblon, Dis. 16 (PIA) -- Upang makatulong sa mga binaha at nasalanta ng bagyo sa probinsya ng Catanduanes, nagsagawa ng fund-raising activity ang mga kabataan sa Barangay Poctoy sa bayan ng Odiongan, Romblon kamakailan.

Inilunsad ng mga kabataan rito ang 'Ukay-ukay for a cause' kung saan ibinebenta nila ang kanilang mga 'pre-loved' na mga damit sa halaga lamang na P50 kada isa.

Ayon kay Sangguniang Kabataan Chairman Jenilyn Fetalver ng Barangay Poctoy, nagtulong-tulong ang mga kabataang kanyang nasasakupan para makalikom ng mga damit na kanilang pambenta sa murang halaga.

"'Yung ibang mga damit ay bigay talaga yan ng mga kabataan, pero 'yung iba, kahit mga matatanda ay nagdo-donate sa amin. Maliit lamang itong paraan para makatulong tayo sa mga kabataan rin sa Catanduanes at sa kanilang mga pamilya.

Target makalikom ng P10,000 cash ang mga kabataan na ipapadala sa ilang pamilyang nasalanta ng nagdaang bagyo.

Para sa mga nabanggit na kabataan, hindi anila hadlang ang kahirapan upang tumulong sa mga mas nangangailangan. (PJF/PIA-Mimaropa)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments