Tagalog News: Gen. Natividad may bagong isolation unit, treatment facility 

GENERAL NATIVIDAD, Nueva Ecija, Disyembre 19 (PIA) -- Pinangunahan ni Social Welfare and Development Secretary Rolando Bautista ang pagpapasinaya ng bagong tayong Isolation Unit and Treatment Facility sa bayan ng General Natividad.
 
Ayon sa kalihim, ito ay isa lamang sa mga pinondohang proyekto sa ilalim ng programang KALAHI-CIDSS o Kapit Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services bilang tugon sa suliraning dulot ng COVID-19. 
 
Layunin aniya nito na makatulong sa mga pangangailangan ng munisipyo at mga mamamayan upang mapagtagumpayan ang kasalukuyang pademya. 
 
Ang gusali na nagkakahalaga ng humigit 8.9 milyong piso ay mayroong walong silid na kumpleto sa mga kagamitan gaya ng aircon, ventilation, bed, oxygen tank at iba pa na ang disenyo ay aprubado ng Department of Health o DOH. 
 
Bukod rito ay sinabi din ng kalihim na sa ilalim ng Disaster Response Operation ng KALAHI-CIDSS ay nakapagpamahagi ang ahensya ng mga hygiene kits at cleaning materials sa mga barangay pati mga communication gadgets at pagbili ng mga DOH-approved equipment na makatutulong sa mga kampanya kontra COVID-19. 

Pinangunahan ni Social Welfare and Development Secretary Rolando Bautista (kaliwa) ang pagpapasinaya ng bagong tayong Isolation Unit and Treatment Facility sa bayan ng General Natividad sa Nueva Ecija. Isa ito sa mga proyekto ng Kapit Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

Pahayag ni Bautista na sa kabila ng mga proyektong ito ay hindi dapat malimutan ang tunay na layunin ng KALAHI- CIDSS na pagsasabuhay ng prinsipyo ng Community Driven Development o ang mahalagang pagtutulungan at partisipasyon ng bawat isa sa pagkakaroon ng makabuluhang pagpaplano, pagdedesisyon, transparency at accountability ng mga programa lalo na sa patuloy na pagtugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan. 
 
Nakatutuwa aniyang pakinggan ang bawat kwento at karanasan ng mga volunteers na nangasiwa upang maisakatuparan ang mga proyekto na mapakikinabangan ng buong komunidad.
 
Ayon sa kalihim, marapat lamang na bigyang pagkilala ang kabayanihan ng bawat volunteer na nagtrabaho ng libre na nagsasama-sama, nagtulungan upang maisakatuparan ang layunin ng KALAHI-CIDSS.
 
Kaniyang mensahe sa lahat ay isabuhay ang mga natutunan sa programa na ang pinaka-mahalaga ay hindi ang dami ng mga naitayong gusali bagkus ay ang dami ng mga taong natulungang makilahok at maging bahagi ng pag-unlad mula sa kahirapan. 
 
Ipagpatuloy aniya ang bayanihan spirit na makatutulong para sa kabutihan at pag-unlad ng bayan gayundin ay ingatan ang mga proyektong ibinibigay ng DSWD at iba pang kagawaran ng pamahalaan upang tuloy-tuloy na mapakinabangan ng taumbayan. (CLJD/CCN-PIA 3)

Ang bagong Isolation Unit and Treatment Facility ng bayan ng General Natividad sa Nueva Ecija na nagkakahalaga ng 8.9 milyong piso. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments