Tagalog News: Downward trend ng COVID-19 cases sa Batangas, patuloy 

LUNGSOD NG BATANGAS, Dis 16 (PIA) --Lubos na pasasalamat ang ipinaabot ng pamunuan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa mga kasapi ng Batangas Inter-Agency Task Force Against COVID-19 sa mga inilatag nitong programa na nagresulta sa patuloy na downward trend ng new corona virus cases nitong huling tatlong buwan ng taong 2020 sa lalawigan.

Sa pagpupulong na isinagawa ng Batangas IATF noong ika-7 ng Disyembre 2020, ikinatuwa ni Batangas Governor at IATF Chairperson Hermilando “DoDo” Mandanas ang inilabas na aniya ay “encouraging figures and data” na nagsasaad ng pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa Batangas.

Sang-ayon sa ulat ng Department of Health (DOH) – CALABARZON Center for Health Development, na pinangungunahan ni Dr. Paula Paz M. Sydiongco, isa ang lalawigan ng Batangas sa nagpapakita ng consistent downward trend ng kaso ng COVID-19 sa Region 4-A.

Tungkol naman sa pananatili ng Batangas sa GCQ, nilinaw ni Dr. Sydionco na ang hakbang na ito ay maiiugnay sa patuloy na pagsasagawa ng Batangas ng calamity relief operations simula pa noong Enero, kasabay ng pag-aksyon sa COVID-19 pandemic, kaya ito umano ay isa lamang precautionary measure upang mas mapanatili ang kaayusan sa harap ng patuloy na pagtugon sa mga nasabing mga kagananpan.

Kaugnay nito, ipinaalala nito ang patuloy na pagpapatupad ng BIDA campaign ng National Inter –Agency Task Force at DOH sa buong lalawigan ngayon buwan ng Disyembre, kung kalian inaasahang magkakaroon ng mga selebrasyon dahil sa pagdiriwang ng Kapaskuhan.

Ang pagpapaalala sa publiko na sumunod sa mga itinakdang health protocols ang binigyang-diin din ng mga kasapi ng Batangas IATF, partikular ang pagsunod sa Hugas, Iwas at Mask (HIM) na nagbibilin sa publiko sa paghuhugas na kamay, social distancing, at pagsusuot ng face shield at mask kapag nasa matataong lugar.

Binigyang direktiba rin ni Gov. Mandanas ang mga kinauukulang tanggaapan sa pagpapabilis ng proseso ng mga isasagawang proyekto para sa taong 2021, na kinabibilangan ng pagpapataas ng kalidad ng serbisyo ng lahat ng mga district at provincial hospitals, pagpapatayo ng Level 2 medical facility na Batangas Provincial Medical Center sa Bayan ng Tuy, patuloy na pagpapatupad ng no home quarantine policy sa ilalim ng OPLAN kalinga, at pagbili ng mga kaukulang kagamitan na tutugon sa mga pangangailanagan ng mga frontliners.

Edwin V. Zabarte – Batangas Capitol PIO



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments