Tagalog News: DA CALABARZON namahagi ng 1,900 sako ng fertilizer sa mga magsasaka sa Silang

May 1,000 sako ng muriate of potash at 900 sako naman ng organic fertilizer ang ipinamahagi ng Department of Agriculture CALABARZON noong Disyembre 1, 2020 sa mga magsasaka sa Silang, Cavite na apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal. (Photo: DA 4A RAFIS)

LUNGSOD NG TRECE MARTIRES, Cavite, Dis 7 (PIA) --Namahagi ng 1,900 sako ng fertilizer ang Department of Agriculture (DA) CALABARZON sa mga magsasaka na apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal noong Enero 2020 sa bayan ng Silang kamakailan.

Ayon sa DA CALABARZON, ang ipinamahaging mga sako ng fertilizer ay kinabibilangan ng 1,000 muriate of potash at 900 sako naman ng organic fertilizer.

"Ang interbensyong ito ay bahagi ng Quick Response Fund ng regional office para sa mga magsasakang lubhang naapektuhan matapos ang pagsabog ng Bulkang Taal halos mag-iisang taon na," ayon pa sa DA CALABARZON.

Bunga nito, nagpahayag ng pagpapasalamat si Silang municipal agriculturist Adelia V. Poblete sa DA CALABARZON lalong-lalo na kay Regional Director Arnel V. de Mesa sa patuloy na suporta sa mga magsasakang naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal.

"Nakatakdang tumanggap pa kami ng karagdagang sako ng muriate of potash at organic fertilizers mula sa DA upang maipamigay sa mga magsasaka at farmers associations sa Silang," sabi ni Poblete.

Sinabi ng DA CALABARZON na patuloy ang pamamahagi ng nabanggit na fertilizer, makipag-ugnayan lamang ang mga magsasakang benepisyaryo sa Silang Municipal Agriculture Office upang mabigyan ng tulong. (PIA-Cavite at ulat mula sa DA-4A RAFIS)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments