Tagalog News: Cotabato field office ng DOLE XII isinailalim na sa pangangasiwa ng BARMM

LUNGSOD NG COTABATO, Dis. 17 (PIA) – Isinailalim na sa pangangasiwa ng Ministry of Labor and Employment ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MOLE-BARMM) ang field office ng Department of Labor and Employment XII (DOLE) dito sa lungsod.

Ito ay matapos itinurnover ni DOLE-XII Regional Director Raymundo Agravante ang mga programa at tungkulin ng tanggapan kay MOLE Minister Romeo Sema sa ginanap na seremonya kamakailan sa lungsod ng Koronadal.

Binigyang-diin ni Sema na ipagpapatuloy ng regional government, sa pamamagitan ng MOLE-BARMM, ang pagpapanatili ng parehong pagpapatupad ng labor laws, at rules and regulations sa pagpapatupad ng mga programa, proyekto, at serbisyo nito.

Tiwala naman si Agravante sa na maayos na maipagpapatuloy ng MOLE-BARMM ang mga programa at serbisyo ng DOLE XII.

Kaugnay nito, nakatakdang magsagawa ang DOLE ng mga serye ng technical assistance upang matulungan ang partners mula sa MOLE na maipagpatuloy ang paghahatid ng mga serbisyo sa labor and employment sa rehiyon.

Maliban sa Cotabato City field office ng DOLE, ang MOLE-BARMM na rin ang mamamahala at maghahatid ng mga serbisyo sa 63 mga barangay mula sa anim na mga bayan sa North Cotabato na sakop na ng Bangsamoro region. (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BPI-BARMM).



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments