Tagalog News: Bagong city hall ng Malolos, pormal nang pinasinayaan 

LUNGSOD NG MALOLOS, Disyembre 19 (PIA) -- Pormal nang pinasinayaan ang bagong tayong limang palapag na city hall ng Malolos sa pagdiriwang ng Ika-21 taon nitong pagiging isang lungsod.
 
Ayon kay Mayor Gilbert Gatchalian, ang gusali ay bunga ng pagbabayanihan ng mga karaniwang taga-Malolos. Kaya naman sa pagpapasinaya nito, muling nanawagan ng lubos na pagkakaisang diwa ang punong lungsod upang lalong maisulong ang mas mataas pang antas ng pamumuhuay ng mga tagarito.
 
Kinatigan naman ito ni Gobernador Daniel Fernando na sumaksi sa pagpapasinaya at dedikasyon nitong bagong city hall.  Aniya, ang istrakturang ito ay susuporta sa pagsasakatuparan ng mga pangarap ng susunod na henerasyon ng Malolos.

Pormal nang pinasinayaan ang bagong tayong limang palapag na City Hall ng Malolos sa pagdiriwang ng Ika-21 Taon nitong pagiging isang lungsod. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Umabot sa 300 milyong piso ang nagugol dito ng pamahalaang lungsod upang maitayo ang city hall na ibinaon sa pundasyong may lalim na 22 metro o katumbas ng 72.16 na talampakan.
 
Kaugnay nito, binigyang diin ni Gatchalian isang malaking kontribusyon ng pamahalaang lungsod ang pagkakatayo nitong city hall sa pambansang patakaran ni Pangulong Duterte na pabilisin at palakasin ang pagbibigay ng serbisyo sa mga tao.
 
Patunay dito ang malaking espasyo na inilaan para sa Business One Stop Shop, Local Civil Registrar Office, City Treasurer’s Office at City Assessor’s Office alinsunod sa Republic Act 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery. (CLJD/SFV-PIA 3)
 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments