Tagalog News: 73 bata sa Odiongan, nakatanggap ng maagang pamaskong regalo

Nakatanggap ngayong araw ang may aabot sa 73 na mga bata sa bayan ng Odiongan ng mga regalo mula sa kanilang mga foster parents o good samaritan. (Paul Jaysent Fos/PIA-Romblon)

ODIONGAN, Romblon, Dis. 16 (PIA) -- Nakatanggap kahapon  ang may aabot sa 73 na mga bata sa bayan ng Odiongan ng mga regalo mula sa kanilang mga foster parents o "Good Samaritan".

Ang mga bata ay pinili ng lokal na pamahalaan ng Odiongan para maging benepisyaryo ng kanilang Good Samaritan program kung saan naging sponsor ang ilang kawani ng munisipyo, mga pribadong indibidwal, at ilang mga guro.

Samut-saring regalo ang natanggap ng isang bata mula sa kanilang foster parent, may mga damit, laruan, pagkain at iba pa.

Mismong ang mga foster parents ang nag-abot ng kanilang mga regalo kasama sina Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic at vice mayor Diven Dimaala.

Sa menasahe ng alkalde sa ginanap na maikling programa sa Odiongan Covered Court, sinabi nito na naglalayon ang programa na maiparamdam sa mga bata lalo na ngayong pandemya ang diwa ng pasko kahit limitado ang galaw ng mga tao.

Maliban sa mga bata, nakatanggap rin ang kanilang mga magulang mga noche buena package na kanila namang makakain sa hapagkainan sa darating na pasko.

Ang Good Samaritan program ng lokal na pamahalaan ay nasa ika-limang taon na ngayong 2020. (PJF/PIA-Mimaropa)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments