Panukalang batas para sa kalidad na pagsasanay, edukasyon ng mga guro, inihain sa Senado

LUNGSOD CALOOCAN, Dis. 11 (PIA) -- Naghain ng panukalang batas si Senator Win Gatchalian na mag-aangat sa kalidad ng pagsasanay at edukasyon ng mga guro sa bansa.

Sa pamamagitan ng Senate Bill No. 1887 o Teacher Education Council Act. layong paigitngin ng panukalang batas ang ugnayan ng Department of Education, Commission on Higher Education (CHED), at ng Professional Regulation Commission (PRC) upang i-reporma ang edukasyon ng mga guro sa bansa.

“Kailangan nating ituring na nasa ilalim na ng isang malawakang krisis ang ating sistema ng edukasyon. Hindi na natin kailangang patagalin pa ang pagsulong sa mga reporma dahil kung hindi, patuloy na mahuhuli at mapag-iiwanan ang ating mga mag-aaral,” ayon kay Gatchalian, na siya ring Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Ito’y matapos lumabas ang mga resulta ng 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM) at ng Programme for International Student Assessment (PISA) 2018, dalawang global assessment kung saang nakakuha ng mababang marka ang mga Pilipinong mag-aaral sa elementarya, isa pang pandaigdigang pagsusuri ang naglabas ng resulta na muling nagpapakita ng bagsak na marka ng mga estudyante natin sa basic education.

Ayon sa Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) 2019, pagdating sa Science at Math, ang mga mag-aaral ng Grade 4 sa bansa ay napag-iiwanan ng mga mag-aaral sa ibang bansa. Sa madaling salita, panghuli ang Pilipinas sa 58 na bansang sumali sa naturang assessment pagdating sa Math at Science.

Para kay Gatchalian, ipinapakita ng mga resulta ng pag-aaral na ito na ang sistema ng edukasyon sa bansa ay nasa ilalim ng krisis na hindi matutugunan ng “business as usual.”

“Ito ay isang matinding krisis. Nakkikilahok ang bansa sa mga global assessment upang masuri ang ating curriculum. Nakakalungkot na sa pangatlong pagkakataon ay bumagsak na naman ang Pilipinas. Dapat magsilbing hamon ito sa lahat,” panawagan ng senador.

Sa mga mag-aaral ng bansa na nakilahok sa TIMSS, walang nakakuha ng markang pasok sa “Advanced International Benchmark” (o may average score na 625) sa parehong Science at Math.

Ang “Advanced International Benchmark” para sa Math ay nagpapakita na may kakayahang ipaliwanag ng mag-aaral ang kanyang ‘reasoning’ at magamit ang kanyang pag-unawa at kaalaman sa mga komplikadong sitwasyon.

Sa Science naman, ang mag-aaral na nakapasa sa benchmark na ito ay may kakayahang ipakita ang kanyang kaalaman sa proseso ng scientific inquiry. Mayroon din siyang kakayahang maintindihan ang iba’t ibang sangay ng agham tulad ng buhay, pisikal na anyo, at Earth Sciences.

Ang TIMSS 2019 ay isang pagsusuring ginagawa ng International Association for the Evaluation of Educational Achievement (IEA) upang suriin ang kakayahan ng mga mag-aaral sa Grade 4 at Grade 8 pagdating sa Math at Science. Para sa taong 2019, ang mga Grade 4 lang natin sa bansa ang lumahok sa pagsusuri.

Para kay Gatchalian, lalong ipinapakita ng pag-aaral na ito na kailangang magkaroon ng mas simple o streamlined na curriculum na layong bigyan ng tutok ang kakayahan ng mga mag-aaral sa Pagsulat, Pagbasa, Math, at Science. Samantala, naumpisahan na ng DepEd ang curriculum review at nakatakdang matapos ito sa 2021. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments