Mahigit 55,000 pasahero dumagsa sa PITX sa bisperas ng Pasko

Kuha sa loob ng PITX sa bisperas ng Pasko nitong Huwebes ng Philippine News Agency

LUNGSOD CALOOCAN, Dis. 25 (PIA) -- Libu-libong pasahero ang dumagsa pa rin sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa Lungsod Parañaque para makahabol sa Noche Buena sa kani-kanilang probinsya nitong Huwebes.

Sa pagtataya ng pamunuan ng PITX, umabot sa mahigit 55,000 ang mga pasaherong dumagsa sa naturang terminal sa bisperas ng Pasko.

Gayunpaman, higit na mas mababa pa rin ito kumpara sa tinatayang 80,000 daily passenger sa PITX noong bago magka-COVID.

Mula nang umaga ay tuluy-tuloy na ang pagdating ng mga pasahero habang patuloy din ang paalala ng mga otoridad na sumunod sa mga umiiral na minimum health and safety protocols upang makaiwas sa COVID-19.

Sa ulat din ng mga otoridad, mayroon pa rin mga nagsama ng bata sa loob ng terminal, gayong mahigpit na ipinagbabawal ang pagbibiyahe ng mga ito sa mga pampublikong sasakyan ng Land Transportation Franchise and Regulatory Board o LTFRB at ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases o IATF-EID.

“Malaking kagulatan din sa atin ito pero gayunpaman, natutuwa tayo sa isang banda dahil alam naman nating ‘pag may travel na, medyo nakakatulong sa pagbangon ng ekonomiya,” ayon kay PITX corporate affairs head Jason Salvador sa interview ng isang TV network.

“Pero gayunpaman, medyo natatakot din tayo baka ito maging dahilan ng pag-surge ng COVID-19,” dagdag pa niya.

Magugunitang nauna nang pinaalalahanan ng pamunuan ng PITX na kabilang sa mga dokumentong kailangan upang makabiyahe sa probinsya ay ang travel authority mula sa Philippine National Police at anumang valid na government ID. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments