Kampanya iwas paputok, pinaigting sa Camarines Norte

DAET, Camarines Norte, Disyembre 14 (PIA) -- Pinaigting ang kampanya sa iwas paputok sa lalawigan ng Camarines Norte sa pamamagitan ng paglatag ng sama-samang adbokasiya ng mga ahensiya ng gobyerno dito.

Ito ay kaugnay ng isinagawang advocacy meeting Aksyon Paputok Injury Reduction (APIR) campaign “Oplan Iwas Paputok” na idinaos sa Little Theater ng kapitolyo noong Disyembre 10, 2020.

Pinangunahan ito ng Provincial Health Office (PHO) ng pamahalaang panlalawigan katuwang ang mga kaugnay na ahensiya o mga stakeholders sa pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa adbokasiya.

Ayon kay Lenie C. De Leon, midwife IV ng PHO, ito ay bilang paghahanda sa darating na holiday season para sa paggunita ng kapaskuhan at pagsalubong sa bagong taon na mabigyan ng paalala ang publiko para maiwasan ang aksidente dulot ng paggamit ng mga paputok.  

Umabot sa 12 kaso ang biktima ng paputok ang naitala sa lalawigan ng Camarines Norte ng nakaraang taong 2019 na mas mataas kumpara sa tatlong kaso ng 2018 ayon kay Lenie C. De Leon, Midwife IV ng PHO. Ito ay ipinahayag sa advocacy meeting ng PHO kaugnay ng Aksyon Paputok Injury Reduction (APIR) campaign “OPLAN IWAS PAPUTOK” na ginanap sa Little Theater, Provincial Capitol. (RBM/ROVillamonte-PIAV/Camarines Norte)

 

Layon din nito na maiwasan o mawala na ang paggamit ng mga fire crackers o pyrotechnic devices sapagkat maari naman aniyang magdiwang sa pamamagitan ng paggamit ng ibang mga kagamitan na magdudulot ng ingay.

Sa hanay naman ng pulisya, patuloy silang nagsasagawa ng information and dissemination drive sa pamamagitan ng facebook account ng Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO). Namamahagi rin sila ng mga babasahin tungkol sa “Iwas Paputok”.

Ang Bureau of Fire Protection (BFP) naman ay nagsasagawa ng Bandillo sa lahat ng munisipalidad ng lalawigan simula pagpasok ng buwan ng Disyembre na magtatapos sa Enero ng susunod na taon.

Kaalinsabay rin sa ginagawa ng BFP ang kanilang ginagawang Oplan Ligtas na Pamayanan sa pakikipag-ugnayan sa mga barangay upang makaiwas sa insidente ng sunog mula sa ipinagbabawal na paputok.

Katuwang rin ang lokal na media at Philippine Information Agency (PIA) sa pagpapalaganap ng mga impormasyon upang maiwasan ang paggamit nito at upang makatulong na walang maging biktima o anumang insidente sanhi ng paputok.

Base sa datos ng PHO tumaas sa 12 ang kaso ng biktima ng paputok ng nakaraang taong 2019 kumpara sa 3 noong 2018.

Maging ang Department of Health (DOH) Region V ay nakapagtala ng 37 kaso ang sa nakaraang taon na mas mataas rin kumpara sa 24 noong 2018.  (RBM/ROVillamonte-PIAV/Camarines Norte)

 

 

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments