Tagalog News: SLCDO ng OrMin, wagi sa DOLE National Kabuhayan Awards 2020 

Tinanggap ng Jordan I. Fajardo, (panglima mula sa kaliwa) Pangulo ng Sitio Lagunglong Community Development Organization (SLCDO) mula sa bayan ng Baco, Oriental Mindoro ang parangal bilang 2020 DOLE’S National Kabuhayan Awardee at pangatlong pwesto sa National Best Video Documentation ng proyekto ng kanilang samahan. (Larawan mula sa DOLE Mimaropa)

CALAPAN, Oriental Mindoro, Nob. 24 (PIA) -- Nakamit ng Sitio Lagunglong Community Development Organization (SLCDO) mula sa bayan ng Baco, Oriental Mindoro ang pinal na kategorya ng Department of Labor and Employment (DOLE)  National Kabuhayan Awards 2020 ngayong buwan ng Nobyembre. 

Idineklara rin ng DOLE ang proyekto ng samahan bilang isa sa limang pinakamahusay na DOLE- Assisted Livelihood Project na kabilang sa 16 na kalahok sa buong bansa. Bunsod ng parangal na ito, nakamit din ng samahan ang ikatlong pwesto  bilang National Best Video Documentation.

Ang proyektong banana chips ng SLCDO ay pangkabuhayang tinutulungan ng DOLE Mimaropa sa pamamagitan ng Oriental Mindoro Field Office. Nilalayon ng proyeko na madagdagan ang kita ng mga kasapi nito lalo na ang mga katutubo na ang paraan ng pamumuhay at pagkita ay nakasalalay sa pagtitinda ng mga prutas, gulay at iba pang pananim.

Sa ginanap na seremonya ng pagbibigay ng parangal, tinanggap ni Jordan I. Fajardo, Pangulo ng SLCDO ang pagkilala matapos manalo rin bilang Best DOLE-Assisted Livelihood project sa rehiyon noong nakalipas na buwan.

“Maraming salamat DOLE Mimaropa. Asahan niyo pa po ang patuloy na pagtataguyod ng namumuno at nagtatag katuwang ang lahat ng mga opisyales ng pamunuan sa suporta ng buong kasapian na ipagpatuloy ang ating lahat ng adbokasiya”, pahayag ni Fajardo.

Sa kanyang tugon, pinuri ni DOLE Mimaropa Regional Director Atty. Joffrey M. Suyao ang pagsisikap ng SLCDO sa pamamagitan ng hindi matitinag na tulong ng DOLE OrMin FO. Aniya, “isang malaking pagbati! Nawa’y ang pagkilala na ito ay magbigay ng inspirasyon  sa inyong samahan na magpatuloy sa paghahanapbuhay upang mapabuti ang buhay ng inyong mga kasapi lalo na sa mga hamon ng panahon na ito. Gayundin, panatilihin ang magandang pagsasamahan at pagtutulungan ng mga miyembro dahil nagdudulot ito ng tagumpay at mga pagpapala sa inyong samahan”.

Samantala, kinilala naman si Ramezes R. Torres ng OrMin FO bilang Regional Best Performing Livelihood Focal sa loob ng magkakasunod na dalawang taon bilang sa nakatuon niyang pagtulong sa SLCDO.

Ang DOLE Kabuhayan Awards ng Bureau of Workers with Special Concerns ay taunang aktibidad ng ahenysa na kumikilala ng pinakamahusay na mga proyekto ng mga organisasyong tinutulungan ng DOLE sa buong bansa na nagpapakita, hindi lamang ng napapanatiling paglago ng ekonomiya at tagumpay, kundi lalo’t higit nagbibigay ng makabuluhang epekto sa pag-unlad ng komunidad.  (LC/PIAMimaropa/Calapan)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments