Tagalog News: Online Eksibit para sa Ika-145 Taon ni Goyo, itinanghal ng NHCP

BULAKAN, Bulacan, Nobyembre 15 (PIA) -- Patuloy na matutunghayan ang online exhibit ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP bilang payak na pagdiriwang ng Ika-145 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ni Heneral Gregorio Del Pilar, na kilala sa palayaw na “Goyo”.
 
Ayon kay Alex Aguinaldo, kurador ng NHCP na nangangasiwa sa mga programang pang-alaala kaugnay ng magtiyuhin na Heneral Goyo at Marcelo H. Del Pilar sa Bulakan, gumawa ng 15 pahinang social media card ang komisyon na ipinaskil sa official facebook page ng NHCP Museo ni Marcelo H. Del Pilar.
 
Pansamantalang dito muna itinatanghal ang mga makasaysayang petsa kaugnay kay Heneral Goyo dahil wala pang dedikadong museo para sa binatang heneral.
 
Sa ikalawang pahina ng eksibit, ipinakilala siya bilang si Gregorio “Goyo” Sempio Hilario Del Pilar upang bigyang diin ang pagiging pamangkin siya ni Marcelo H. Del Pilar, dahil kapatid nito ang kanyang amang si Fernando H. Del Pilar. Ipinanganak ang binatang heneral sa barangay San Jose sa Bulakan, Bulacan kung saan kasalukuyan nakatindig ang kanyang dambana.
 
Bukod dito, ipinapakita rin sa nasabing eksibisyon ang kaugnayan ni Heneral Goyo kay Deodato Arellano, ang unang supremo ng Katipunan. Dahil noong nag-aaral siya sa Ateneo Municipal De Manila, ang binatang heneral ay nanatili sa tahanan ni Hilaria Del Pilar, kapatid na babae ni Marcelo asawa ni Arellano.
 
Habang nag-aaral, ang binatang heneral ang lihim na kinatuwang ni Marcelo upang mamahagi ng inilimbag niyang “Caiigat Cayo”, na isang pampletong laban sa mga Kastila at Prayle. Hanggang maging kasapi siya sa Katipunan sa Edad na 17.
 
Sa mga sumunod na pahina ng online exhibit, isa-isa nang ipinakita ang mga naging papel ni Heneral Goyo sa pagganap tungo sa kalayaan ng Pilipinas.
 
Halimbawa na rito ang magkasunod na labanan na bahagi ng Rebolusyon ng 1896, gaya ng Labanan sa Masukol sa Paombong ng Nobyembre 26, 1896 na sinundan ng Labanan sa San Rafael noong Nobyembre 30, 1896.
 
Nakasama niya sa pakikipaglaban ang kababatang si Anacleto Enriquez sa pagkubkob naman sa simbahan ng San Rafael. Tinagurian itong “Masaker sa San Rafael” dahil sa nasa 800 katao ang namatay, na nagresulta sa literal na pagbaha ng dugo na hanggang tuhod sa loob ng nasabing simbahan.

Patuloy na matutunghayan ang online exhibit ng National Historical Commission of the Philippines bilang payak na pagdiriwang ng Ika-145 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ni Heneral Gregorio Del Pilar, na kilala sa palayaw na “Goyo”. (NHCP)

Sa isa ring bahagi ng online exhibit, isinasaad na muntik nang mamatay si Heneral Goyo sa labanan sa Kakarong de Sili sa Pandi noong bagong taon ng Enero 1, 1897, nang dumampi sa kanyang noo ang Bala ng Baril. Ito ang nagtaas sa kanya sa pagiging isang lieutenant.
 
Ipinamalas naman ni Heneral Goyo ang kanyang malikhaing pamamaraan sa pakikipaglaban sa kanyang ginawang pagsalakay sa simbahan ng Paombong noong Setyembre 1897.
 
Sa isang misa, habang nagsisimba ang mga Kastila sa pangunguna ng mga prayle, nagsuot ng pambabae sina Heneral Goyo at ang kanyang mga kasama habang kunwaring nakikiisa sa misa.
 
Dito sila nakahanap ng tiyempo upang makubkob ang mga kalabang Kastila pati na ang pagbawi sa mga abuloy na pwersahang kinolekta ng mga prayle.
 
Iba pa rito ang ginawa niyang ambush kay Prayle Moises Santos na kura ng Katedral ng Malolos at mga kasama nito noong Marso 1897. Sa nasabing ambush ay nabawi nila ang limpak-limpak na perang mula sa sapilitang abuloy na nakolekta sa karaniwang Pilipino.
 
Dahil sa kanyang hindi matatawarang kagitingan, hinirang siya ni noo’y Pangulong Emilio Aguinaldo bilang isang major nang pasinayaan ang Republika ng Biak-na-Bato sa San Miguel, Bulacan.
 
Nasa online exhibit din ang pagpapalaya ni Heneral Goyo sa Bulacan nang mapasuko niya ang buong pwersa ng Kastila sa lalawigan noong Hunyo 24, 1898, ito’y ilang araw lamang matapos iproklama ni Pangulong Aguinaldo ang Kalayaan noong Hunyo 12, 1898.
 
Dito siya ganap na naging isang major general. Sinundan naman ito ng mga pagtatanggol sa Quingua na ngayo’y bayan ng Plaridel, at sa tulay ng Bagbag sa Calumpit laban sa mga Amerikano
 
Pinakalundo sa nasabing online exhibit ang kanyang pagkamatay habang ipinagtatanggol ang Pasong Tirad sa Ilocos Sur, na huling balwarte ng Unang Republika laban sa mga Amerikano.
 
Sa kasaysayan ng pagiging kawal, instrumental si Heneral Goyo sa pagtatatag ng Hukbong Katihan o ang Philippine Army. Kaya’t bilang patuloy na pagpupugay sa kanyang karangalan, ipinangalan kay Heneral Goyo ang punong himpilan ng Philippine Military Academy sa Baguio at ang isang barko ng Philippine Navy na Barko ng Republika ng Pilipinas Gregorio Del Pilar. (CLJD/SFV-PIA 3)
 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments