Tagalog News: Halfway House sa Occ Min, pinasinayaan sa Anibersaryo ng lalawigan

Ang nasabing pasilidad, ayon kay Governor Eduardo Gadiano, ay itinayo bilang pansamantalang tuluyan ng mga Former Rebels (FRs), habang inaasikaso ang kanilang mga dokumento para sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP). (VND/PIA Occ Min)

MAMBURAO, Occidental Mindoro, Nob. 16 (PIA) -- Kasabay ng pagdiriwang ng ika-70 Anibersaryo ng Lalawigan kahapon ay pinasinayaan sa Barangay Tayamaan, Mamburao ang Halfway House, na kauna-unahan sa probinsiya, at sa buong rehiyon ng Mimaropa.

Ang nasabing pasilidad, ayon kay Governor Eduardo Gadiano, ay itinayo bilang pansamantalang tuluyan ng mga Former Rebels (FRs), habang inaasikaso ang kanilang mga dokumento para sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP), isang pakete ng iba t ibang tulong ng pamahalaan upang makabalik sa lipunan ang mga dating rebelde.  

Ang Halfway House ay isang palapag na istruktura na binubuo ng maraming silid at sadyang laan sa pangangailangan ng mga  FR. Ayon kay  Governor Gadiano, ito ay simbolo ng sinserong naisin ng gobyerno na tapusin sa mapayapang paraan ang insurhensya hindi lang sa lalawigan, kundi sa buong bansa. Hindi aniya maitatanggi na kahirapan, kawalang-katarungan at hindi maramdamang serbisyo ng pamahalaan ang mga pangunahing nagtulak sa kanila sa lihis na daan, ngunit tinugunan ito ng Pangulong Rodrigo Duterte, sa pamamagitan ng Executive Order #70 na nagtatakda ng whole-of-nation approach. Sa pamamagitan nito, paliwanag ng punong-lalawigan, pinakilos ng Pangulo ang iba't ibang ahensya upang alamin at lunasan ang mga problema ng isang pamayanan na nakitang may simpatiya sa kilusang makakaliwa.  

Ayon pa rin kay Gadiano, aktibo ang pamahalaang panlalawigan sa pakikiisa sa layunin ng Pangulo, “pumupunta ang  Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) sa mga liblib na lugar upang magsagawa ng Ugnayan sa Barangay at Serbisyo Caravan.”  

Sa nakaraang panayam kay Voltaire Valdez, PTF-ELCAC Focal Person, sinabi nito na sa Ugnayan sa Barangay ay naipararating ng mga benepisyaryong pamayanan sa kinauukulan kung ano ang kanilang mga pangunahing pangangailangan. “Kapag ang kailangan nila ay kayang ibigay ng probinsya, ginagawan ito ng paraan ni Gob Ed (Gadiano), at sakaling kailangan ang intervention ng pamahalaan ay sumusulat ang PTF-ELCAC sa Region para tulungan tayo,” ani Valdez.  

Kabilang naman aniya sa Serbisyo Caravan ay ang mga pagsasanay na ibinibigay ng mga ahensya tulad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Trade and Industry (DTI). Nagbibigay din ng ayuda ang Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Social Welfare Development (DSWD), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at iba pang mga ahensya at tanggapan ng pamahalaang panlalawigan at munisipyo.   

Sa kasalukuyan, ang mga pamayanan ng mga katutubo ng Barangay Naibuan at Monteclaro (San Jose), gayundin ng Harrison (Paluan) ang mga direktang benepisyaryo ng mga programa ng PTF-ELCAC at patuloy silang ginagabayan sa dahan-dahang pag-unlad. 

“Ang mensahe ko sa pasinaya ng ating Halfway House ay para sa ating mga nagbalik-loob,” saad ni Gadiano. Aniya, ngayong nakita ng mga ito ang katapatan ng alok na pagbabagong buhay ng pamahalaan, nais niyang hikayatin ng mga FR ang kanilang mga kasamahan na sumunod sa kanilang yapak at magsalong na rin kanilang mga armas. 

Pahayag pa ng Gobernador, tunay na mataas na pangarap ang ganap na masupil ang mahigit limang dekada nang rebelyon, subalit naniniwala siyang makakamit din ng bansa ang ganap na kalayaan sa insurhensya. (VND/PIA MIMAROPA)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments